Your Story Haven
Share your stories online
Home      short story/the weird toilet
Print this pageAdd to Favorite






 
 
 
 
 


 

THE WEIRD TOILET

by Kite Iris

From Karen (not her real name for confidentiality sake)

 

 

Graduate ako ng BS BIO sa isang pamantasan sa Baguio noong 2003. Galing ako sa isang bayan sa Pampanga at pinili ko ang Baguio para tapusin ang kolehiyo. Kampanteng-kampante ako noong una na magiging madali lang ang lahat dahil mataas ang kumpiyansa ko sa aking sarili. Nagtapos ako ng Elementarya at Sekundarya bilang isa sa mga may pinakamataas na parangal.  Pero hindi ko inakala na ilalampaso lang ako ng mga naging kamag-aral sa napili kong unibersidad. Lahat ng kayabangan ko ay unti-unti kong nilunok dahil sa wala akong mapatunayan sa aking mga kaklase.  Inaamin ko, may kayabangan ako noong freshmen pa lang ako kaya maraming naiinis at nayayabangan sa akin kaya wala ako masyadong naging kaibigan.

 

Dahil na rin siguro sa pagkadismaya ko sa aking sarili ay kalokohan ang aking inatupag imbes na lalong magsikap sa pag-aaral. Napasama ako sa barkada ng mga tamad mag-aral at gumimik ang aming buhay. Natuto akong uminom maski wala pa ako sa edad at natuto rin akong manigarilyo na dati kong kinaiinisan na gawain ng mga tao sa aking paligid. Madalas ako sa Students Affairs Office  at Guidance Office pero nagawa ko pa ring makapagpatuloy na wala man lang nararamdamang konsensya para sa aking mga magulang noong mga araw na iyon.  Dito nagsimula ang lahat, hinding-hindi ko makakalimutan, sa building ng science courses, women’s CR.  

 

Second Year, bago matapos ang first semester ay nabuntis ang aking pinakamatalik na kaibigan at di namin alam ang nararapat gawin. Wala rin maisip na paraan ang kanyang  BF at di naglaon ay tinakbuhan siya at di na namin nakita pa. Nanatiling lihim ang kanyang pagkabuntis  at sa takot niya na malaman ng kanyang pamilya ay napag-isipan niyang magsinungaling at dayahin sila tungkol sa halaga ng babayarang matrikula para sa second semester. Gagamitin niya ang pera na panglaglag sa bata. Wala na siyang ibang maisip na paraan. Gusto ko siyang pigilan pero buo na ang kanyang pasya. Wala siya sa katinuhan. Umuwi siya sa bayan namin mangyaring magkababayan kami at lahat na ng pagsisinungaling tungkol sa kanyang matrikula ay ginawa niya at napaniwala ang kanyang mga magulang at tiyuhin.

 

Tinawagan niya ako at pinakiusapan na makipag-ayos sa ilegal na paraan sa sinuman na pwedeng magsagawa ng panglalaglag. Nagawa naming makahanap at itinakda ang araw na pinakamainam para tanggalin ang bata. Subalit, noong kami ay papunta na sa lugar ay isang lalake ang nakabunggo sa kanya at tinulungan pa siya nito na tumayo at saka humingi ng paumanhin. Hinayaan na lang namin  siya at nilisan ang lugar. Ngunit noong nasa loob na kami ng jeep at dudukot sana siya ng pera ay wala na ang kanyang pitaka na kinalalagyan ng gagamitin naming pambayad sa abortion.

 

Bumaba kami ng jeep at nagpasyang tumuloy sa aking boarding house.  “Karen ano na ang gagawin ko?” umiiyak na tanong niya sa akin. Naiintindihan ko ang kanyang sitwasyon, sa totoo lang hindi ko pa siya lubos na kinagigiliwan na kasama noon pero naramdaman ko ang awa sa kanya noong araw na iyon. “Karen tulungan mo naman ako, baka may kakilala ka na pwede natin mautangan. Babayaran din naman kita ehh.” Palakas ng palakas ang kanyang pag-iyak. Nangako ako na tutulungan ko siyang maghanap ng magpapautang at lubos siyang nagpasalamat sa akin. Subalit bawat araw na lang ay lagi niya ako tinatanong kung may nahiram na ako samantalang wala siyang ginagawa para tulungan ang kanyang sarili.

 

Isang araw ay di ko na nakayanan ang pangungulit niya at inaway ko na lang siya dahil lang sa iritasyon. Hindi na niya ako nilapitan sa mga sumunod na araw. Sa loob ng linggong iyon ay dalawang beses lang siya pumasok. Mali ang ginawa ko, gusto kong humingi ng kapatawaran at tulungan siya sa kanyang problema. Araw ng Sabado at pumasok siya ngunit napakatahimik niya buong araw at tila hindi ko siya kayang lapitan sa dalawang subject na kami ay magkaklase . Nagpasya na lang ako na kausapin siya pagkatapos ng huli niyang klase ng 6-7 PM. 6:30 pa lang ay pumunta na ako sa kanilang silid para maghintay sana sa labas pero walang tao pagkarating ko doon. Maaga pala na natapos ang kanilang leksyon.

 

Dahil sa naiihi ako ay sa CR muna ako tumungo. Dito nagsimula ang lahat at hinding-hindi ko makakalimutan ang karanasang ito na gusto ko ng mabura sa aking alaala. Pagkapasok ko ng CR ay diretso ako sa isang bakanteng cubicle. Habang umiihi ay narinig ko sa kabilang cubicle ang isang babae na umiiyak at sa tinig niya ay tila nararamdaman ko na sobrang sakit ng kanyang napagdadaanan. Umayos ako kaagad at lumabas. Lalabas na sana ako ng CR dahil baka kung ano na ang nangyayari sa kabila pero nagdalawang-isip ako. Walang tao sa paligid kundi ako lang. “Baka naman multo ito o baka pinapatay ang babaeng ito at isusunod ako pag di ako umalis,” ito ang pumasok sa aking isipan. Baka may maitutulong ako kaya nagmatapang ako na katukin ang pinto. “Miss ok ka lang dyan?” Malakas na aray ang aking narinig mula sa kanya at tila hindi na niya kaya ang kanyang napagdaraanan. “Miss please buksan mo ang pinto,” pag-uutos ko sa kanya habang kinakalabog ko ito. Paulit-ulit ko siyang kinausap at iniabot ko ng ilang ulit ang aking kagustuhang tumulong maski sa totoo lang ay natatakot ako dahil baka may gumagahasa o pumapaslang sa na pala sa kanya sa loob.

 

Sa wakas binuksan din niya ang pinto ng cubicle at nagulat ako sa aking nakita. Ang kaibigan ko ang nasa loob na nakaupo sa toilet bowl at sobrang luhaan ang kanyang mukha at halos mangulubot na ito sa sakit na nararamdaman. “Anong ginagawa mo?” tanong ko sa kanya na puno ng pag-aalala. “Karen, wala na akong maisip na ibang paraan,” aniya sa palahaw na paraan. Itinakip niya ang kanyang lab gown sa kanyang baywang pababa ng kanyang paa pero napuna ko ang dugo sa sahig kaya mas lalo akong nangamba. “Anong ginawa mo? Tanggalin mo nga iyan para makita ko at para mafirst-aid agad natin,” ngunit di ko inakala ang aking makikita. “Huwag!” tanggi niya sa akin nang subukan kong alisin ang nakatakip na lab gown pero pinakiusapan ko siya hanggang sa makuha ko ang kanyang kalooban. Pumayag din siya na tanggalin ko ang lab gown at ano ang aking nakita?

 

Barbecue Stick!!!

 

Napatayo ako sa gulat at halos ayaw ko ng lingunin ang kanyang maselang bahagi ng katawan. Nakababa ang kanyang pantalon at panty at ang lab gown lang pala ang nakatakip dito. Nanginig ang buo kong katawan, di ko inakalang maiisipan niyang gawin ang ganitong bagay. Nakatusok ang BBQ Stick paloob ng kanyang ari at pumapatak na ang dugo dito. “Bakit mo ginawa to?” tanong ko sa kanya. “Narinig ko mula sa isang kakilala ko na ganito ang ginawa ng kakilala niya noong aksidenteng nabuntis siya,” tugon niya.

 

Napaiyak ako sa nangyari. Ano kaya kung hindi ako nagalit nang ganoon noong kinukulit niya ako? Hindi kaya niya ginawa ang bagay na ito? Nasabi niya sa akin na may iniinom siyang gamot nitong nakaraang tatlong araw at ang BBQ stick ang ginamit niyang panusok sa fetus sa loob ng kanyang sinapupunan habang pwershan niya itong tinutulak pababa na animo’y nagsasarili siyang nagsagawa ng aborsyon. Nagpasya pa man din ako kanina na kausapin siyang umamin na lang sa kanyang  mga magulang pero huli na ang lahat. “Kasalanan ko ito,” sabi ko sa aking sarili. Lumuhod ako sa kanyang harapan, “Patawad, tanggalin na natin ito, hindi mo ito kailangang gawin, okay?” Di ko na rin makontrol ang aking luha at punung-puno ako ng pakikiramay sa kanya. Pinatayo ko siya at dahan-dahan kong hinatak palabas ang BBQ stick at pagkatapos ay sasamahan ko siya sa ospital. At sa paghatak kong iyon doon nagsimula ang bangungot.

 

Pagkahatak ko palabas ng stick ay may nakalagay sa dulo nito. Di ko agad naaninag noong una dahil nabitawan ko ito sa pagkagulat dahil may nakatusok sa duluhan. Nalaglag ito sa  toilet bowl at nang minasid ko ay nalaman ko kung ano ito.

 

FETUS!!!

 

Tinakpan ko ang aking bibig at di ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Gusto kong sumigaw na hindi, gusto kong tumakbo palayo pero ayaw makinig ng aking katawan. Ramdam ko na ako ay nasusuka at mayat-maya’y bumagsak ang aking kaibigan mula sa pagkakatayo Inakay ko siya at pinaupo muna sa sahig. Tanaw ko ang fetus na natusok ng BBQ stick sa toilet bowl. Hindi ko pwedeng iwan na lang ang cubicle ng ganito kailangan ko ng linisin para walang makakita. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isipan, nagpasya ako na I flush ang bowl at pinanood ko lang ang fetus at BBQ stick na umikot-ikot hanggang sa hinigop ng bowl. Hindi ko na nakayanan, sumuka ako ng sumuka at mas lalo akong napaiyak sa oras na iyon.

 

Iniayos ko ang kanyang kasuotan at inakay siya palabas. May kabigatan siya kaya magiging problema ang hagdanan. Mabuti na lang at isang lalake ang nakita ko na pababa ng hagdanan at nakumbinsi ko siyang tulungan ako sa pagdadala sa kaibigan ko sa ospital. Diretso kami sa Emergency Room at agad namang natanggap ang aming pasyenteng dala. Mabuti na lang at hindi na nag-usisa pa ang binata. Nagpaalam ito matapos tumulong at siyempre hindi ko kinalimutang magpasalamat. Nagtagal sa ospital ang aking kaibigan at tinawagan ko na rin ang kanyang magulang. Ibinahagi ko na rin ang aking nalalaman at mabuti na lang at inintindi siya ng mga ito. Hindi na nakabalik sa pag-aaral ang kaibigan kong iyon at ang huli naming pagkikita ay nang nakalabas siya ng pagamutan. Nagpaalam at nagpasalamat siya sa akin. Kung mas inintindi ko sana ang kanyang sitwasyon marahil natulungan ko siya at hindi nangyari ang napagdaanan niya. Ito ang paninisi ko sa aking sarili. Ngunit mas sinisi ko pa ang aking sarili pagkalipas ng dalawang taon.

 

Graduating student na ako at kasisimula ng second semester. May panggabi ako na klase sa parehong building at palapag. Naaalala ko pa rin paminsan-minsan ang nangyari pero tanggap ko na ito. Sa katunayan ay ngayon ko lang ulit gagamitin ang CR na iyon dahil wala na akong ibang pagpipilihan dahil ihing-ihi na ako. Habang umiihi ako ay narinig ko na nagflush ang kabilang cubicle. “Buti na lang may kasabay ako,” sabi ko sa aking sarili. Paglabas ko ay nakasara pa rin ang pinto ng kabila kaya nag-ayos muna ako ng aking buhok sa salamin pero biglang bumukas ang pinto ng cubicle at walang tao sa loob. Kinilabutan ako at lumabas na lang. Pagkalabas ko ay isang batang babae ang aking nakita at dahan-dahan itong naglalakad sa corridor. Maliit ang bata at kung tatanshahin ay mga 2 hanggang 3 taong gulang lang ito. “Hello bata, bakit ka nandito? Sinong nanay mo?” pakyut na pagtatanong ko dito. Pero tinangnan ako nito ng matalim at pumasok sa ladies’ CR. Pinabayaan ko na lang at umuwi na ako.

 

Sa mga sumunod na araw nakikita ko ang bata kung galling ako ng CR. Nagtataka lang ako kung sinong instructor ang may anak ng batang iyon at pinapabayaan lang sa corridor. Minsan sinubukan kong hawakan pero umiwas agad siya na para bang may mata siya sa likod ng kanyang ulo. Tapos tinignan ulit ako ng masama gaya ng dati saka pumasok ulit sa CR. “Karen ano ginagawa mo bakit ka tumutuwad?” tanong ng aking bagong kaibigan habang tinatawanan ako. “Ahh wala kinakausap ko lang iyong bata. Ang sungit naman ng batang iyon,” paliwanag ko sa kanya.

 

Bata? Anung bata pinagsasabi mo eh tayo lang ang tao dito kanina pa?” Nagtaka ako sa kanyang sinabi. “Bulag ka ba? Nandito lang kayalang pumasok dyan sa CR. Halika pakita ko sa iyo, cute siya pero masungit.” Hinatak ko ang aking kaibigan at nagtungo kami sa loob ng ladies’ room.  Ngunit, wala ang bata doon. Binuksan ko lahat ng cubicle pero walang tao sa loob. “Karen? Ayos ka lang?” pag-aalala ng aking kaibigan. “Anong nangyari? Saan na siya?” Hinawakan ako ng aking kaibigan at inalog-alog. “Anong nangyayari sa iyo?” Nabawi ko ang aking sarili at nilisan na lang namin ang lugar. Dahil sa takot ay nakiusap ako sa aking kaibigan na samahan niya ako sa aking boarding house noong gabing iyon. Mabuti na lang at napapayag ko siya.

 

Bakit gano’n? Ilang beses ko nang nakita iyong bata pero bakit ngayon lang pumasok sa isipan ko na bakit gumagala lang ito doon sa ganoong oras? Bakit wala kaming nakita sa loob ng ladies’ CR samantalang doon siya pumasok. “Multo!” Hindi ako nakatulog dahil sa takot. Sigurado ako multo ang aking nakikita na batang babae sa corridor.

 

Sa sumunod na araw na may pasok ako sa lugar na iyon, ayaw ko ng gamitin ang CR. Subalit pagkatapos n gaming klase at nang kami ay nagsilabasan, nakasandal ang bata sa pader at diretso sa akin ang titig. Tila hinihintay niya ako na lumabas. Nanigas ang aking katawan at nanatili akong nakatayo sa pintuan. “Karen! Karen,” nabawi ko ang aking sarili at tumitig sa tumatawag sa akin. “Ayos ka lang?” tanong ng aking kaibigan. Muli kong tiningnan ang kinaroroonan ng bata bigla itong nawala. “CR muna tayo,” aniya ngunit agad akong tumanggi at pinakiusapan siya na ibang CR na lang ang aming gagamitin. Bumaba kami at ang CR sa mas mababang palapag ang aming ginamit.

 

Mangyaring natate ako sa araw na iyon dahil siguro sa aking kinain kaya naisipan kong doon na rin magbawas. Pagkalaglag ng aking dumi ay isang kakaibang pakiramdam ang dumampi sa akin. Isang nakakakilabot na pakiramdam. Napakalamig na bagay ang sumagi sa aking puwet at tila pinunasan ang labasan ng dumi. Napatayo ako bigla at sinuri ang toilet bowl. Wala naman ako napuna na kakaiba. “Anong nangyayari sa akin?” tanong ko sa aking sarili. Marahil sobrang natatakot lang ako dahil sa bata na ako lang ang nakakakita nitong mga araw kaya kung anu-ano na ang pumapasok sa aking isipan. Sa totoo lang nakakatawa kung iisipin ang nangyari. Saan ka ba naman makakakita ng toilet bowl na pagkalaglag pa lang ng iyong dumi ay pinupunasan na ang iyong puwet. Anong teknolohiya meron ang ganoong toilet bowl. Marahil para sa iba na makakarinig ng kwentong ito ay matatawa sila hanggang din a sila makahinga ngunit ako ay muntik ng mamatay sa takot. Iflinush ko ang toilet bowl at biglang pulang likido ang lumabas sa bawat sulok nito. Sigurado ako dugo ang likido na iyon at masangsang ang amoy. At ilang saglit lang at isang BBQ stick ang lumutang.

 

Tumigil ang aking paghinga at sobrang bilis ang pagpintig ng aking puso. Naalala ko ang lahat. Dalawang taon na mula nang nagflush ako ng fetus sa isang toilet bowl. “Ito ba ang kabayaran sa aking ginawa?” Nakarinig ako ng iyak ng sanggol at napakalakas ng iyak na iyon tapos bigla na lang pahina ng pahina na para bang nalulunod ito. Hindi ko na nakayanan at bumagsak ako sa sahig.

 

Pagkamulat ko ng aking mata ay sa ospital na ako nagising. Dinala ako dito ng aking kaibigan at sa kasalukuyan ay nasa tabi ko lang siya. Buong pag-aalala niya na inalam kung ano ang nangyayari sa akin. Isinalaysay ko sa  kanya ang lahat at habang ibinabahagi ko ang nangyari ay di ko maiwasang maiyak. Dinamayan niya ako sa aking sitwasyon at labis-labis ang kanyang pang-iintindi sa akin at kung bakit ko iyon nagawa.

 

Hindi ako tinantanan ng bata, sigurado ako, ang batang aking nakikita ay ang fetus na aking iflinush noon. Ano ang pakay niya sa akin? Sobrang takot na ako, wala na akong katahimikan. Hindi ako makatulog sa gabi at sa tuwing nasa pamantasan ako ay di ako mapakali dahil sa takot.  Minsan ay umiiyak na lang ako at akala tuloy ng iba kong mga kamag-aral ay may napakabigat akong suliranin. Sa kagustuhan ko na matapos na ang lahat naglakas-loob ako na lapitan ang bata maski nanginginig ang aking katawan. Nakatalikod ito sa akin. Iniabot ko ang aking kanang kamay at mahahawakan ko n asana ito nang bigla na lang itong natunaw at naglaho. Napadiretso ako ng tindig at pagkalingon ko sa aking likuran ay naroroon ang bata. Muli ko sana itong lalapitan ngunit bigla ulit nawala at pagkaharap ko sa dati kong direksyon ay naroroon ulit ito. Mula noon lagi na lang siyang sumusunod sa akin at ang mga titig na iyon ay titig ng tao na punung-puno ng galit.

 

Lagi siya sa aking likuran, hindi lang sa pamantasan kundi saan man ako magtungo. Ayoko ng ganito. Ilang beses na akong labis na humingi ng tawad sa bata. Ilang patak ng luha na rin ang pumatak sa aking mga mata subalit ayaw ako nitong tantanan. Naisipan ko na bisitahin ang dati kong kaibigan na sana ay nagsilang sa kanya. Bumalik ako sa aming bayan at hinanap ang kanilang bahay. Isang linggo na hindi ako nakapasok sa aking mga klase at sa wakas nahanap ko rin ang dati kong kaibigan.

 

Ibinahagi ko sa kanya at sa kanyang nanay ang lahat. Iyak ako ng iyak habang nagsasalaysay tungkol sa aking mga naranasan. Humingi siya ng paumanhin sa akin at sa araw din na iyon nagdaos sila ng isang seremonya para raw sa mga hindi matahimik na kaluluwa. Binigyan nila ito ng pangalan. Ang pangalan ay Sylvia.

 

Hindi ko na nakita pa si Sylvia.  Natapos ko ang aking kurso at pagkalipas ng dalawang taon ay nakapag-asawa ako. Subalit hindi pa rin natapos ang lahat. Namatay sa loob ng aking sinapupunan ang dapat sana ay una naming anak ng aking asawa. Ipinagluksa ko ang karanasang iyon. Sa sumunod na taon, muli akong nabuntis at sa resulta ng ultrasound ay babae ang aking magiging anak.

 

Ngunit…

 

Namatay ito makalipas ang dalawang araw mula pagkasilang. Hindi normal ang sanggol nang ito ay lumabas. May iregularidad sa laman-loob niya. Bigla ko na lang ulit nakita si Sylvia habang ako ay nagmumukmok sa aking silid. Mas malaki na ito at ang mga titig niya ay gaya pa rin ng dati. Hinablot ko ang unan at buong galit ko itong inihagis sa kanya. “Ano pang gusto mo sa akin!?!?!?” Sinugod ko siya at sinubukang hawakan pero tumagos ang aking kamay. “Bakit mo ito ginagawa sa akin?” Nakiusap at nagmakaawa ako sa kanya. Patawarin n asana niya ako at patahimikin na ang aking buhay. Nang muli ko siyang titigan ay umiiyak na rin ito at nagsalita, “MAMA.” Nilapitan ko siya at alam ko na hindi ko siya mahahawakan pero niyakap ko ang kanyang anyo at hugis na para bang inieksakto ko ito sa aking mga kamay.

 

June 2007, handa na ang magiging pangalan ng aking anak. Sylvia ang pinili ko na pangalan at sa awa ng Diyos malusog na sanggol ang aking isinilang. Napakabigat ang pagkakamali na nagawa namin ng aking kaibigan. Plinano namin na ilaglag si Sylvia ngunit nakabunggo kami ng magnanakaw. At imbes na tulungan ang aking kaibigan ay itinaboy ko ito at napilitan siyang gawin ang isang karumal-dumal na bagay. At ano ang aking ginawa? Iflinush ko si Sylvia.

 

Natutunan ko kay Sylvia kung gaano kabigat at kahalaga ang buhay. Maski nasa sinapupunan pa lang ito ay may karapatan na itong mabuhay at lumaki. Maraming tao tao ang gustong mabuhay at manatili sa piling ng kanilang minamahal ngunit sobrang sakit na pinagkakaitan sila ng kapalaran. Ngunit may mas sasakit pa kaya kung ikaw ay hindi man lang binigyan ng pagkakataon na mabuhay sa mundo?

 

Sana may napulot kayo sa aking kwento. Maging responsable sana tayong mga kababaihan. Kung mangyari man sa atin ang nangyari sa aking kaibigan, harapin natin ang responsibilidad at piliting gawin ang tama. Sa mga kalalakihan, kung hindi ninyo kaya ang responsibilidad kung nabuntis ang inyong nobya, wala kayong karapatang makipagtalik sa amin!

 

* Hindi ko personal na nakilala si Karen ngunit ito ang kwento na ibinahagi niya sa akin sa pamamagitan ng ilang beses na pagpapalitan ng e-mail. Isinulat ko ang kanyang liham sa ganitong paraan para mas mainam basahin. Ito ang kanyang karanasan pagdating sa multo o ligaw na kaluluwa. Matagal na akong nangangalap ng mga ganitong uri ng kwento ngunit ngayon ko lang naibabahagi sa iba.

 

Nakakabigat ng damdamin na may mababasa ulit ako na tungkol sa isang fetus sa CR ng aking pinagtapusang pamantasan. Ilang beses ng nangyari ang ganitong bagay sa iba’t-ibang unibersidad sa buong Pilipinas. Hindi ko sinisiraan ang anumang paaralan, ang may kasalanan ng mga ganitong pangyayari ay hindi ang mga pamantasan.

 

Mag-ingat na lang kayo kung biglang may pupunas sa inyong puwet pagkalaglag ng inyong dumi habang nagbabawas sa toilet bowl. Automatic na tagapunas ng puwet saan ka pa? Nakakatawang isipin pero paano kung nangyari sa inyo? Matatawa ka kaya? ^___^

 

May mga ilang estudyante na nagsasabi na may mga bata raw silang nakikita minsan sa corridors o CR hindi lang sa building na aking nailarawan kundi pati sa ibang gusali ng pamantasan. At ang iba sa kanila ay may mga testimonya na bigla na lang daw naglalaho ang mga ito kung papanhik sila sa loob ng CR.

 

TSK TSK paano ba iyan? Ingat na lang kayo. ^___^

 

 
 
 
VISITORS ONLINE 
 
YSH SHOUTBOX

 
 
In Cooperation with:
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
  
    
  
 
AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
LOVE MATCH AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
 
**Contact us if you want your link included here
 
 
 
spam blocker
 
All contents of this site are copyrighted by the owners or Your Story Haven Team.  Publication for any commercial purposes, whether whole or partial, is prohibited and punishable by law.  Please contact editor@yourstoryhaven.com for any inquiries. 2008 - 2010