PERFECTO 13
by Kite Iris
Napansin niyo ba ung parang room space sa tabi ng stairs malapit sa 4th floor entrance? Dating elevator yun from 1st floor to 7th floor. Kung tutuusin dapat lang na may elevator doon para na rin sa ikakabuti ng mga estudyante. Pero bakit sa palagay niyo, bakit tinanggal?
Alas-singko ng hapon ang huli kong klase sa araw na iyon. Sa ganitong oras ay wala masyadong tao.
5:12 na sa aking relo nang marating ko ang unang palapag at ngayon ay nasa harapan ako ng elevator. Sa kabilang gate ako pumasok kaya hindi ko nagamit ang main entrance sa 4th floor. Sa ngayon ay isinara na rin ang gate na iyon at may nakalagay ng tennis at basketball court.
Para mas mabilis ay naisipan kong gamitin ang elevator. Bigla na lang umilaw yung button para sa elevator maski hindi ko pa napipindot. Hindi naman ito dating nakailaw nung nakita ko ngunit noong malapit nang maabot ng aking hintuturo para pindutin ito ay nauna na itong umilaw. Nagtaka ako kung bakit pero pinalagpas ko ito at hinintay na lang na umabot ang elevator sa aking kinaroroonan. Pagkabukas nito ay walang tao sa loob. Agad kong naramdaman ang malakas na hangin mula sa aking likuran na parang tinutulak ako papasok. Sa harap ko naman nakaramdam ako ng hangin na animo'y hinihigop ako papasok. Likas lang na magdadalawang-isip ang isang babae kung gano'n kaso biglang may dumating at nagmamadaling pumasok sa elevator, isang lalake at isang babae. Siyempre sumabay na rin ako at nawala iyong kakaibang naramdaman ko kani-kanina lang. Dahil sa nauna silang pumasok sa akin ay nasa likuran ko sila. Hindi gano'n kaluwang ang espasyo sa loob para humanay ako. Ipinindot ng isa sa kanila ang 7th floor pagkasara ng pinto. 5th floor lang aking pupuntahan kaya ipinindot ko ang numerong 5.
Pero... ito ang nangyayari...
Hindi tumigil sa anumang floors ang elevator at dire-diretso lang ito sa 7th floor. Naisip ko na lang na marahil sira ito kaya 'pag tumigil na lang sa 7th floor ay tatakbuhin ko na lang pababa ang hagdanan dahil huli na ako sa aking klase.
Pero...
Ayaw bumukas ng pinto kaya liningun-lingon ko ang paligid at ang pinakamadalas na unang tinitingnan ko kung nangyayari ang tulad ng ganito ay sa itaas. Nakita ko ang number 7 na nagsasaad na ako ay nasa 7th floor ngunit laking gulat ko nang biglang maging number 8 ito. Napaisip ako, "Paanong may 8 eh 7 floors lang ang
Waldo
Perfecto
Building?" At ilang saglit lang naging 9. Natural, kinabahan na talaga ako sa nangyayari kaya napalingon ako sa aking likuran para kausapin ang dalawa kong kasabay. Kung ako ay kinakabahan madalas kinakausap ko ang mga taong pinakamalapit sa akin para mawala ang aking kaba.
Ngunit anong nasa likuran ko? ??? ??? ??? ??? ??? ??? ??? ???
Wala na iyong lalake at iyong babae na lang ang kasama ko sa loob. Walang kaekspre-ekspresyon ang kanyang mukha at diretso ang kanyang titig sa akin ngunit pansin ko na hindi ito kinakabahan
gaya ko. Ang mas ikinagulat ko pa ay nang mapansin ko na ang kasuotan niya ay ang kasuotan ng lalake kanina na ngayon ay wala na sa loob ng elevator maski hindi pa naman bumubukas. Siyempre mas kinabahan ako at ramdam ko ang pagbilis ng pagpintig ng aking puso. Gusto ko nang lumabas at takot na ako. Muli kong tiningnan ang number sa itaas at ngayon number 13 na ang aking nakita.
13th floor dito sa Perfecto??? ??? ??? ??? ??? (thump thump thump thump thump thump thump)
!TING bumukas ang elevator...
Agad akong lumabas patakbo dahil sa takot at kaba. Pero pagkalabas ko ay walang kailaw-ilaw at di ko makita kung ano ang nasa kinaroroonan kong palapag. Pero ramdam ko na may kaunting kalambutan ang aking kinatatayuan at nasisiguro ko na hindi ito yari sa semento o kahoy. Gawa ito sa isang bagay na alam na alam ko pero di ko maalala kung kelan ko naramdaman na nakatapak ako ng gano'n ang tekstura. Medyo basa rin ito at may kalaputan kaya basa na rin ang aking paa mangyaring nakasandals lang ako sa araw na iyon. Dahil sa madilim ang lugar napalingon ako sa pinanggalingan kong elevator at pagkalingon ko ay pasara na ito.
Nagmadali akong tumakbo para muling pumanhik sa loob ng elevator na siya lang may ilaw. Ngunit naipit ako sa sumasarang pinto. Nagtaka ako kung bakit pahigpit ito ng pahigpit sa aking payat na katawan samantalang sa ganoong sitwasyon ay dapat automatic na bubukas ng kusa ang pinto. Nabitawan ko na rin ang aking mga hawak na kuwaderno at aklat at nalaglag ang mga ito sa loob ng elevator. Ngunit ang mas ipinagtaka ko ay kung nasaan na ang babae kanina? Wala na rin siya sa loob. Dahil sa mas matinding takot ay nagawa kong makaalis sa pagkakaipit subalit hindi papasok kundi palabas ng elevator.
Ngayon ay wala na ni kaunting ilaw at lubos-lubos na ang aking panginginig sa takot. Nanatili akong nakaluhod sa malambot na sahig. Nakasuot ako ng skirt noong araw na iyon kaya agad-agad kong naramdaman na malamig ang aking kinaluluhuran at ang malapot na likido ay may kalagkitan. Palundag akong napatayo at napaatras. Bigla na lang akong natapilok at bumagsak ako sa aking puwet. Tila may bako akong natapakan kaya nawala ang aking balanse. Tanggal rin ang aking sandal sa aking kanang paa ngunit hindi ko alam kung saan ito tumalsik at dahil sa sobrang dilim ay wala akong makita.
Ngunit ang mas ikinabigla ko ay ang tinatapakan ng paa kong walang sandal... Malamig, matigas... sigurado ako yari ito sa semento. Kinatok ko ito sa aking kamao at kinapa... semento nga! Pero ano iyong may kalambutan na bagay na kinatatayuan ko kanina? Hinabol ko ang aking hinga at dahan-dahan na kinapa ang anuman na nasa aking harapan. Muli kong naramdaman ang isang may kalambutan ngunit malamig na bagay. May katigasan din ito pero hindi sintigas ng semento o tiles ngunit hindi ito patag at iba at may hugis. Hinarap ko ang takot at kinapa pa ng mas mabuti kung ano ito hanggang sa may naramdaman ako na sumasagi na maraming buhok sa aking kamay.
Tumindig lalo ang aking mga balahibo at napaiyak na ako ng tuluyan sa takot at kulang na lang ay maihi ako. Mas pinakiramdaman ko ang buhok at matigas ang aking nahawakan...bilugan... Ulo... Ulo... Ulo ito ng isang tao. Basa rin ito sa malapot na likido.
Doon ko lang napagtanto na dugo ang likidong iyon.
Hindi ko na nakayanan, napahiyaw ako at tumakbo paharap. Bumunggo ako sa pinto ng elevator at kinalabog ko ito ng kinalabog habang naghihiyaw ng saklolo. Walang sumasagot, di ko alam kung nasaan ako, madilim ang lugar kaya di ko alam kung ano ang aking dapat gawin. "Huwag ka masyadong matakot Irish," paulit-ulit ko itong sinasabi sa aking sarili maski sukdulan na ang aking panginginig.
Sa kabutihang-palad nagawa kong mabawi ng maski kaunti ang aking sarili at naisipan na kung nasa Perfecto ako ay marahil pareho ang pagkakagawa ng kinaroroonan ko sa mga ibang palapag ng gusali. Sa kanan ng elevator ang kinaroroonan ng hagdanan. Kung nasa Perfecto ako dapat may hagdanan sa bandang kanan. Bawat hakbang ko ay napakabigat... Parang hindi ko kayang buhatin ang aking mga paa. Kinapa ko ang hangin at nagbakasakaling may bakal akong mahawakan na siya ring hawakan ng hagdanan.
Naiyak ako sa tuwa... takot na takot pa rin ako pero nakaramdam ako ng tuwa. May bakal akong nakapa. Dahan-dahan kong itinapak ang aking kanang paa at tama ako hagdanan nga ang nasa aking harapan. Kung ako ay nasa ika-13 na palabag kailangan ko ng bumaba ng anim na palapag para marating ko ang 7th floor na siya lang naman dapat na tuktok ng gusali. Nagbilang ako kung ilang palapag na ang aking nalakad. Isang palapag na lang at nasa 7th floor na ako. Punung-puno ako ng pag-asa...
Ngunit...
Sa ika-anim na palapag na aking nilakad pababa ay pareho pa rin ang lugar. Madilim, tahimik at ramdam ko ang malagkit na sahig dahil sa dugo. Nawala na ako sa aking sarili at wala man ako makita ay tinakbo ko pababa ang hagdanan. "Diyos ko po iligtas niyo po ako sa lugar na ito... Parang awa niyo na po takot na takot na po ako tulungan niyo po ako!!"
Panay ang tulo ng aking luha at di ko na mabilang kung ilang palapag na ang aking natakbo. Hanggang sa nagkamali ako ng tapak at sumirko ako sa hagdanan.
Tila nabalian ako ng buto nang bumagsak ako sa matigas na sahig. Di ko na kayang tumayo... gusto ko ng sumuko. "Bakit nangyari sa akin to.
Sana masamang bangungut lang ito. Diyos ko po, gusto ko na pong gumising."Umiyak na lang ako ng umiyak nakadapa sa sahig hanggang sa may marinig akong tunog.
!TING
Agad kong nilingon ang pinagmulan ng tunog. Bumukas ang elevator. Di ko alam kung paano ko nagawa pero nakatayo at nakapasok ako sa bumukas na elevator. Medyo nanhapdi lalo ang aking mga mata dahil sa ilaw subalit nakaramdam ako ng kaunting kalubagan ng loob.
Hinabol ko ulit ang aking paghinga at dahan-dahan kong itiningala ang aking ulo. Nakapikit ang aking mga mata... takot akong makita kung anong numero ang nasa itaas.
Panay ang aking pagdarasal ngunit takot pa rin akong idilat ang aking mga mata.
!TING
Napadilat ako dahil sa tunog at bumukas ang pinto. Maliwanag sa labas. Walang tao pero maliwanag. Muli.. dahan-dahan kong tiningala ang itaas at nakita ko ang numerong 5. Nasa fifth floor ako. Parang hindi ako makapaniwala, pero nasa fifth floor ako. Ngunit bakit punung-puno ako ng takot para lumabas sa elevator? Hanggang sa isang lalake ang nagulat sa akin na papasok pa lang sa elevator. Napaatras ako at muling kinabahan dahil baka mamaya ay bigla na naman itong mawala. Bago mangyari iyon kailangan ko ng lumabas. Itinulak ko siya at mabilis akong naglakad palayo.
"MISS!" tawag niya sa akin. Napahinto ako at nanginginig habang dinig na dinig ko ang bawat hakbang niya papalapit sa akin.
"MISS, sa palagay ko sa iyo ang mga ito," aniya at iniabot niya ang aking kuwaderno at aklat na hawak kanina. Medyo nagtataka ito sa aking mga ikinikilos kinuha niya ang aking mga kamay para iabot ang mga gamit ko. Mainit ang kamay na humawak sa akin, nawala ang aking takot. Tao ang aking kausap ngayon at nakalabas na ako sa pinanggalingan ko kanina. Muli biglang tumulo ang aking luha at napayakap ako sa lalake. Nanatili itong tahimik ng ilang segundo hanggang sa yayain niya akong umupo.
Mas bumuti ang aking pakiramdam. Pinahiram niya sa akin ang kanyang panyo. Napakacute ng larawan ng isang palaka na nasa kanyang panyo kaya mas lalo akong nakahinga ng maluwag. Pinawi ko ang aking luha at nagpasamat sa binata. Ayos na
sana ang lahat pero nang mapansin ko ang kanyang relo ay
5:14 pa lang ang oras. Kung hindi ako nagkakamali
5:12 nang nasa harapan ako ng elevator. Naisip ko na marahil huli ang kanyang relo kaya tiningnan ko ang sa akin.
5:15 din. 3 minuto? 3 minuto lang ang lahat ng iyon? Kung tatanshahin ko ang 3 minuto ay eksakto lang yun kung galing ako sa 1st floor at sumakay ng elevator at ang saglit na pag-uusap namin ng binata.
Mas lalo akong naguluhan. Anong nangyari? At bakit hindi na masakit ang tila nabalian na bahagi ng aking katawan nang bumagsak ako kanina. Suot ko rin ang pares ng aking sandals. Malinis ang aking damit at wala ni isang bahid ng dugo. Anong nangyari? Di ko na alam kung ano ang iisipin ko.
"Miss ayos ka lang?" usisa ng binata. Napatigil ako sa pag-iisip at tumango na lang ako sa kanya at naalala ko na may klase pa pala ako at huli na ako. Nagpaalam ako na hindi man lang nagpapasalamat at tumakbo akong pumunta sa aking klase.
Kinabukasan ay hindi ko na ginamit ang elevator. Takot na akong sumakay nito at tila gusto kong bigyan babala ang mga sumasakay dito. Maaga ang aking klase sa araw na iyon.
7:30 ang una at ang huli ay mamayang
4:00 ng hapon. Matapos ang lahat ng klase ay nabalitaan ko sa aking kaklase na napakaraming mga babae ang nahimatay at itinakbo sa clinic ngayong araw. Lahat ng mga kababaihang iyon ay dito sa Perfecto tumutuloy. At lahat sila ay natagpuang walang malay sa loob ng elevator.
Muli ako'y kinabahan. Napagdaanan din ba nila ang napagdaanan ko? Anong meron sa elevator na iyan? Tumulo ulit ang aking luha at nanginig ang aking buong katawan. Nagtaka ang aking kaibigan at tinanong ako kung ano ang nangyayari sa akin. Niyaya niya ako na umuwi na at inakay niya ako para maglakad dahil nanghina ako bigla. Sa 1st floor kami lalabas para sa Bonifacio maghintay ng sasakyan. Napag-isipan niyang gamitin namin ang elevator at dahil sa takot ay pinigilan ko siya na sumakay dito. Ngunit sa huli ay nakumbinsi din niya ako na magiging ayos lang ang lahat.
Lima na kami sa loob kasama namin ang 3 naming kaklaseng lalake kaya pumayag na rin ako. Magsasara na
sana ang pinto nang biglang may humabol na isang lalake. Ang nasa isip ko ay maiipit ito
gaya ng nangyari sa akin ngunit automatic na nagbukas ang pinto.
Subalit pagkapasok niya ay biglang nagwarning na overload ang elevator. 7 hanggang 8 tao lang ang kaya nito. Tila nairita pa ang tatlong lalake sa aming likuran dahil ayaw lumabas ng lalakeng kakapasok lang. Suminghot ito at tila may naamoy na hindi niya nagustuhan. Tumitig siya sa akin... "Miss ikaw pala, kumusta ka na?" tanong nito. Tama, siya ang binata na nasalubong ko kahapon at hawak ko pa rin ngayon ang kanyang panyo.
Napatingala siya at muling suminghot-singhot na tila may inaamoy. Di na nakatiis ang isa sa mga lalake sa aking likuran, "overload na maghagdan ka na lang," iritadong mungkahi nito.
"Di niyo ba naaamoy?" Kaming lahat ay nagtaka sa kanyang itinanong. "Isa pa, pang-anim pa lang ako na tao at wala naman masyadong mabigat sa atin dito kaya paanong overweight?" dagdag pa niya. Tama siya bakit overweight eh may lugar pa dapat para sa 1 o 2 tao. Suminghut-singhot na rin kami at amoy inaagnas ang aming naamoy. Di namin nakayanan ang amoy kaya sabay-sabay kaming nagsilabasan. Marahil may patay na daga sa loob.
Dumaan ang isang maintenance staff at agad nilapitan ito nang binatang nagmamay-ari ng gamit kong panyo na hindi ko pa rin naibabalik. May sinabi siya rito at pumasok ito sa elevator at suminghot-singhot din hanggang sa biglang naging napakaseryoso ng kanilang hitsura. Umalis saglit ang mama at napakaseryoso pa rin ng hitsura ng binata. Lumapit siya sa akin at nagtanong. "Bakit ka pala umiiyak kahapon?" tanong nito. Wala ako maisagot dahil hindi rin lang niya paniniwalaan kung ano ang aking sasabihin. Hanggang sa nakabalik na ang mama at may dala na itong mga gamit.
Tinulungan siya ng binata na buksan ang pinto ng elevator habang ang elevator deck ay nasa ikaapat na palapag. Hindi maipaliwanag ang kanilang hitsura at medyo kinakabahan na rin sila. Niyaya ako ng aking kaibigan na umalis pero gusto kong malaman kung ano ang nangyayari kaya gusto ko pang magpaiwan. Nabuksan nila ito sa wakas at tiningnan kung ano ang nasa baba. Pansin ko kaagad ang pagkagulat sa kanilang mga mukha at ilang saglit lang ay napapikit ang mga ito at tila hindi na kayang tingnan ang nakita. Nanginginig man ako ay gusto kong makita kung ano ang naroon, ano ang misteryo sa elevator? Ang dalawang lalake na nakiusisa ay napasuka matapos titigan kung ano ang nasa baba. Hanggang sa wakas ako na ang susulyap.. sa bubong ng elevator deck na nakahinto sa ikaapat na palapag.
Dalawang bangkay... Isang lalake at isang babae... Ang kasuotan nila ay pareho sa kasuotan ng dalawang nakasabay ko kahapon. Malakas na ang amoy ng naaagnas nilang katawan. Parang nakita ko kung anong hirap ang pinagdaanan ng dalawa sa kanilang kamatayan.
Ang susunod na natatandaan ko ay nang gumising ako sa silid ng aking kaibigan. Hinimatay ako kanina kaya napilitan siyang iuwi muna ako ngayong gabi.
Mula
noon ay ayaw ko ng gamitin ang elevator. Marami na ring mga kababaihan ang umiiwas dito at panay mga lalake na lang ang sumasakay. Ngunit may mga iilang kababaihan pa rin na ginagamit ito at may mga ilan pa rin na natatagpuan na walang malay sa loob ng elevator. Walang may alam sa aming mga estudyante kung paano napunta ang dalawang bangkay doon pero ang malinaw sa akin ay nagmumulto ang dalawa. Nagkaroon ng matinding issue tungkol sa pagkakamatay ng dalawa na napag-alamang magkasintahan na mga estudyante rin ng SLU. Hanggang sa nagkaroon ng signature campaign sa pagitan ng mga guro upang ipasara ang nasabing elevator bilang pagbibigay katahimikan sa dalawang naging biktima ng karumal-dumal na krimen.
Tuluyang ipinatanggal ang elevator at ang pinalabas na dahilan sa madla ay dahil pinaglalaruan lang ito ng mga estudyante at hindi nagagamit sa tamang paraan. Ngunit alam ko kung ano ang totoong dahilan. Nakausap ko rin ang iba sa mga nahimatay sa loob ng elevator at ilan sa kanila ay pareho sa karanasan ko ang napagdaanan.
Hindi ko na ibinalik ang panyo ng binata. Nang sumunod ko siyang makita ay isang maliit na stuffed toy na palaka naman ang nakasabit sa kanyang bag.
At ito ang kwento ni Irish. Sa mga dumaan na taon may mga nagsasabing may naririnig silang mga boses na tila nag-uusap at mamaya ay babaeng umiiyak sa dating kinalalagyan ng elevator na sa ngayon ay sinarhan na. May mga testimonya rin ang mga guard tungkol sa elevator na iyon kung nagroronda sila sa gabi. Ito ang kwento ng pinatanggal na elevator ng
SLU
Perfecto
Building. Ang elevator ng 7 floor building na umaabot sa 13th floor.
Anong nasa kabila ng kwentong ito?
Totoo bang may natagpuang patay sa ibabaw ng lift? May dati ba talagang elevator sa Perfecto? May multo ba talaga sa Perfecto?
Sa mga nakabasa ng maikling kwento na ito; inyo po sanang pakatatandaan na ito’y kathang-isip ko lamang. Mangyaring isinulat ko lang sa ganitong paraan para magbigay ng kaunting libang sa mga mambabasa.
Totoo na may dating elevator sa Perfecto at marami sa mga estudyante ang nagsasabi na may multo sa nasabing gusali. Nasa sa atin na kung tayo’y nainiwala sa multo o ligaw na kaluluwa. Subalit ang tungkol sa dalawang bangkay sa ibabaw ng lift ay gawa-gawa ko lamang para magbigay kulay sa kwentong panakot na ito. Huwag pong ipagkalat o ikwento sa iba na ito’y katotohanan. Ang kwento pong ito ay panglibang lang sa mga mahilig ng tungkol sa multo o ligaw na kaluluwa at hindi po dapat gamitin bilang panira sa nabanggit na pamantasan.
Salamat sa pagbasa ng Perfecto 13.