ILANG minuto na lang at matatapos na ang kanilang graduation
ceremony. Ngunit kahit anong gawin ni Martin ay hindi pa rin niya
magawang sabihin kay Lara ang kaniyang tunay na narararamdaman—- na
umiibig siya dito.
“Bes! I’m so happy! At last, natupad na ang pangarap ko!” bulong ni Lara sa bibig ni Martin habang naka-akbay ito sa kaniya.
Tinitigan naman niya ito. “Ako rin, masaya.” sabay ngiti bago tumingin ulit sa stage.
“Ano ka ba? Nag-da-drama ka na naman diyan! OA ka na Bes ha?” ani Lara.
“Hindi naman. So anong plano mo after graduation?” tanong ni Martin sa kaibigan.
“Siyempre, mag-aaral pa ulit ako habang
nagta-trabaho. Tapos, pupunta ako ng ibang bansa para makilala ko ang
pinapangarap kong imported na boyfriend. Ayoko kasi sa mga local, gusto
ko foreigner.” may diin nitong sabi habang pinipitik-pitik nito ang
kaniyang kamay.
Napabuntong-hininga na lamang siya sa
narinig mula sa kaibigan. Ibig kasing sabihin, wala siyang pag-asa na
masabi ang tunay niyang nararamdaman dito. Ibig sabihin, local siya at
hindi foreigner kaya hindi niya kayang higitan ang expectations nito
para sa pinapangarap na boyfriend. Gusto niyang sumigaw upang tutulan
ang sinasabi nitong kahibangan ngunit maghihintay siya ng tamang
tiyempo para sa bagay na iyon.
DALAWANG linggo pagkatapos ng graduation, hindi sinasadyang nakita
ni Lara si Martin na may kasamang ibang babae. At base sa kaniyang
radar, tila may namamagitang kakaiba sa kanilang dalawa! Sobra kasi
silang close sa isa’t isa! Para silang mga linta kung maglambingan.
“Ano ba Martin, nakikiliti ako.” mahinang tili ng babae habang kinikiliti ito ni Martin.
“Ok lang yan, sanay ka na naman sa ginagawa ko diba?” sagot naman nito.
Bigla siyang sumulpot sa harapan nila. “Eherm! Hi Bes!” aniya bago inirapan ang babaeng nilalandi ng kaibigan.
“Oh! Hi Bes! Nga pala, si Beatrice—-”
ani Martin ngunit biglang sumingit si Lara habang ipinapakilala niya
ang babaeng kasama niya.
“Hi Bea! I’m Lara, bestfriend ng Martin
mo.” mataray niyang sabi kay Beatrice. “If you’ll excuse me Bes, enjoy
yourselves na lang. Hmpf!” bulong niya kay Martin bago niya ito iniwan.
Habang naglalakad, inaasahan niyang
susundan siya ni Martin ngunit nanatili lamang ito sa tabi ni Beatrice.
Naiinis siya dahil bilang matalik nitong kaibigan, dapat ay
magpaliwanag ito sa kaniya! Ngunit anong ginawa ni Martin? Hindi man
lang ito natinag sa kaniyang kinatatayuan.
Napakagat siya ng labi. Tama nga naman
si Martin. Bakit ba siya nito susundan? Sino ba siya para dito? Hindi
naman sila mag-on at hindi niya ito type bilang maging boyfriend niya.
Isa lang ang ibig sabihin nito. Nagseselos siya dahil mahal niya si
Martin—- ang matalik niyang kaibigan!
LUMIPAS ang ilang buwan at pilit niyang hinahanap ang kaibigan upang
magpaliwanag dito. Ngunit kahit anong gawin niya ay hindi niya ito
mahagilap at pakiramdam niya ay unti-unting nasasayang ang oras niya.
Pakiramdam niya ang sasabog ang dibdib niya sa tuwing naaalala si Lara.
“Cuz, what’s happening to you? Ni hindi
ka na kumakain sa tamang oras. Yung healthy daily routine mo, di mo na
rin ginagawa. Ano ba! Get back to your old-self.” ani Beatrice habang
kinakatok ang kotse niya.
Pinagbuksan niya ito ng bintana. “Bea,
ito ang old-self ko. Too old and too late to say how much I love her!
Kasalanan ko dahil hindi ko agad sinabi sa kaniya. Kasalanan ko dahil
hindi ko siya nahagilap after ng graduation ceremony. Kasalanan ko
dahil pinagselos natin siya. At kasalanan ko dahil wala akong magawa
upang mahanap siya!” usal niya habang tumutulo ang mga luha sa kaniyang
mga mata.
Ang bigat ng pakiramdam niya. Tila
binitbit niya ang lahat ng problema sa buong mundo. At sa bawat
segundong lumilipas sa kaniyang buhay, pakiramdam niya ay unti-unting
nawawala ang tiyansa na makita pa niya si Lara—- ang babaeng nagpatibok
ng buong-buo sa kaniyang puso. Isang babae na itinuring niyang matalik
na kaibigan at pilit na pinigilan ang kaniyang nararamdaman para dito,
matupad lamang ang sarili nitong pangarap.
“Paalam Bea, hahanapin ko ulit siya.” aniya bago pinaharurot ang sasakyan papalabas ng kanilang bahay.
Mabilis namang humabol si Beatrice
ngunit wala rin siyang nagawa. “Cuz! Stay here!” sigaw nito ngunit
tanging mga kaluskos ng puno lamang ang sumagot sa naiwan niyang pinsan.
MASAYANG nakabalik si Lara mula sa ibang bansa. At sa kaniyang
pagbabalik, may sumalubong sa kaniya na pamilyar ang pagmumukha—- si
Beatrice.
Nginitian niya ito at sinalubong ngunit
isang malakas na sampal ang ibinigay sa kaniya nito. Tila nabalutan
siya ng yelo sa nangyari. Si Beatrice? Ang babaeng kinakalantari ni
Martin, sinampal siya? Ang kapal talaga ng pagmumukha! Ano bang
kasalanan niya dito? Gaganti sana siya ngunit mabilis din siyang
niyakap ni Beatrice pagkatapos niyaon.
“Hey! What are you trying to do!?” sigaw niya rito.
“Bakit ngayon ka lang? Ang tagal kang hinintay ni Martin! Alam mo ba yun!?” sagot naman ni Beatrice sa kaniya.
“Excuse me! In the first place, hindi
kami mag-on ni Martin so wala siyang dapat hintayin. Plus, masaya naman
siya sa piling mo kaya inalis ko na ang sarili ko sa eksena.”
“It doesn’t matter! Hindi mo naiintindihan ang sinasabi mo!”
“Anong hindi naiintindihan? Kilala ko si
Martin dahil bestfriend ko siya. May pangarap siyang dapat tuparin, at
siyempre ako rin. Amanos lang kami.”
“Ma– Martin, my cousin died a couple of
years ago due to car accident. At para bayaran ang pagkakamali ko
bilang nakakatanda niyang ate, ibibigay ko na sayo ito.” pautal-utal na
sabi ni Beatrice habang nag-uunahang makahalik sa lupa ang mga luha
nito. Kasunod ay ang pagbigay nito sa kaniya ng diary ni Martin bago
siya nito tuluyang iniwang nag-iisa nang hindi man lamang gumanti sa
sinabi niya.
“No… this can’t be true!” tanging naibulong niya sa sarili habang pilit na inaalalayan ang sarili sa pagtayo.
BINUKLAT niya ng diary ni Martin at natagpuan ang nag-iisang entry duon.
Hey Ciren! Gising!
Pagod na ako. Ang hirap palang hanapin ang ayaw magpahanap. Kasi
naman, bakit hindi mo na lang ako pinahiram ng fairy powers mo. In the
first place, bakit ba ako nagsusulat ng ganito!? Eh hindi naman talaga
ako romantiko o nobelista. Pasang-awa nga lang ako sa technical writing
namin nuon ni Lara, mas magaling kasi siyang mag-express ng
nararamdaman niya kaysa sa akin.
Ewan ko ba, pero pakiramdam ko, parang unti-unting nauupos ang
kandila ng buhay ko. Siguro hinihipan mo yun no eversince na tinawag
kita dito sa diary ko? Bad kang fairy ka! Pero ok lang, cute ka naman
eh. Saka diba, usapan natin, pag nagkaruon ako ng anak, ang ipapangalan
ko eh Ciren. Cute kasi yung name like you. Sana nga lang, si Lara
makatuluyan ko. Para at least, hindi na ako mahihirapang manligaw sa
ibang babae, diba?
Ako!? Iiyak? No way! Strong Martin ata to! Take note, wala akong
ibang babaeng minahal kung hindi yang best friend ko! At kahit anong
mangyari, siya lang ang nilalaman nitong puso ko. At wag kang tatawa,
or else, pi-prituhin kita.
Basta, kahit anong mangyari, hahanapin ko siya. At pag hindi ko siya
nahanap, ikaw na ang bahalang magpaliwanag sa kaniya sa mga kahibangan
ko ha. Halika nga rito anak, payakap nga.
“I love you Lara!” <- Yan ang pangarap ko na sabihin sa kaniya, corny ba?
Martin (torpeng ewan)
Dahan-dahan niyang isinara ang diary ni
Martin habang walang humpay na umaagos ang tubig sa kaniyang mga mata.
At kahit maliwanag ang kaniyang kwarto ay unti-unti niyang naaaninag
ang pagsalubong ng takipsilim sa harapan niya. Madali at mabilis niyang
naalala ang lahat ng mga pinagdaanan nila ni Martin. At bawat butil
niyaon ay may katapat na hibik mula sa kaniyang namamaos nang bibig.
“Ciren… anak ko… please forgive me.” tanging naibulong niya sa sarili.
AUTHOR’S NOTE
Ang entry na ito ay espesyal kong iniaalay kay OTEP,
para sa kaniyang LLM T-Shirt eklavu.
Sa mga nakabasa, sana, nagustuhan ninyo ang entry ko, dahil ito ang
isa sa aking mga natatagong pangarap pagdating sa pag-ibig, (ikanga,
ang lovelife ko ay complicated, kaya idinaan ko na lang dito. T_T