Chapter 1: Looking Back
Pinagmasdan ni Gracie ang kabilang bahay habang nakadungaw sa bintana ng silid na inookupa niya. Mukhang wala rin tao doon. Mayroon ding dalawang palapag ang bahay
paris ng bahay na tinitirahan niya, at bintana din ang katapat ng bintana ng silid niya sa ikalawang palapag. Asul ang kulay ng pinta ng bahay. Hindi kalakihan ngunit maganda. Marahil ay mayroon lang iyong dalawang silid-tulugan. Maliit lang ang bakuran ng kapitbahay niya, sapat para sa isang kotse. May kaunting mga halaman at malinis sa bakuran. Mababang bakod ang pumapagitan sa dalawang bahay.
Ang bahay naman na tinitirahan niya ay may kalakihan. Tatlo ang silid-tulugan. Puti ang kulay ng pintura, malawak ang bakuran sa harapan at sa likod, maraming mga halamang namumulaklak at mayroong terasa sa una at ikalawang palapag. Malaki ang pagkaka-pareho nito sa bahay nila ng pamilya niya. Ang bahay-bakasyunan na iyon ay pag-aari ng kaibigan ng daddy niya na nasa ibang bansa na kaya siya muna ang nakatira pansamantala.
Ibinaba niya ang kurtina at napabuntong-hininga. Ano na ngayon ang gagawin niya? Mukhang masisiraan na siya ng ulo dahil wala man lang siyang nakikitang pwedeng makausap. Walang mga tao sa kapitbbahay. Tumayo siya at lumabas ng bahay. Hindi pwedeng wala siyang kausap. Hindi siya sanay.
“Ano’ng klaseng lugar ba ‘to?” tanong niya sa sarili nang makitang walang tao sa labas ng bakuran kahit sa kalsada. “Ganito ba talaga sa probinsiya?” Oo, gusto niya ng katahimikan kaya siya nagbakasyon. Pero hindi sa ganoong lugar. Sobrang tahimik. Ipinanganak at lumaki siya sa probinsiya, pero hindi ganoon katahimik noon. Wala silang mga kamag-anak sa lugar kung nasaan siya ngayon. Wala siyang matatakbuhan. Kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang ama na siyang nagsabing doon siya magbakasyon.
“O, Gracie, bakit?” sagot ng nasa kabilang linya.
“Dr. Gonzaga,” wika niya. Ganoon kung tawagin niya ang ama kung minsan. “Ano ba ‘tong lugar na pina-puntahan mo sa akin? Pagbabakasyunin mo na lang ako, dito pa sa walang tao. Talo ko pa yata ang nag-silent retreat,” reklamo niya na para bang nakikipag-usap sa kasing-gulang niya. Parang kaibigan lang nilang magkakapatid ang ama.
“Gracie, may mga tao diyan. Hindi naman liblib na lugar yan, ah? Nasanay ka kasi na nakakakita ng maraming tao, hindi tulad diyan. At saka hindi pa naman kasi lahat bakasyon na. Patapos pa lang ang buwan. Mas maaga kasi tayong natapos kesa sa ibang paralan,” paliwanag ng kanyang ama. “Masasanay ka rin, makikita mo.”
“
Sana nga,” mahinang sabi niya at bumuntong-hinga.
Tumawa ang kanyang ama sa kabilang linya. “Anak, baka naman ilipad ako ng buntong-hininga mo?” biro nito.
Natawa rin siya. “Ikaw talaga, nagpapatawa ka na naman. Sige na nga, susubukan kong maka-survive sa ganitong lugar.”
“Mabuti naman kung gano’n. Isipin mo na lang na sa probinsiya ka rin ipinanganak at nagkaisip. Ibang bansa nga lang. Kailangan mo’ng lumayo dito ng pansamantala. At kung uuwi ka naman sa Talisay, alam ko hindi ka rin makakapagpahinga doon. Alam mo naman kung bakit, ‘di ba?” Alam niya kung ano ang ibig-sabihin nito. At ang Talisay na tinitukoy nito ay ang bayan sa Camarines Norte sa Pilipinas kung saan siya ipinanganak at lumaki. “O, sige na at may meeting pa ako.”
“Sige po. But wait, Dad,” pigil niya bago tuluyang putulin ng ama ang linya. “Sina ate Heart, ano’ng ginagawa sa bahay?” Si Heart ang panganay niyang kapatid at sinundan naman ito ng ate Sugar niya. Sa kanila na rin nakatira ang isang pinsan (dati dalawa) na halos kapatid na kung ituring nila.
“’Yong mga kapatid mo? Hayun, abalang-abala si Heart sa trabaho at sa boyfriend, sina Sugar at Wim naman abala sa paaralan. On-the-job training na nila ngayong darating na summer, kaya naghahanap na sila ng maa-apply-an,” kwento ng daddy nila. Katulad ng dati, madalas nitong tudyuin ang ate Heart nila sa boyfriend nito.
Hindi sa Pilipinas nag-aaral sina Gracie, kundi sa isang isla sa Dagat Pasipiko, ang
Athena
Island. September nagsisimula ang pasukan, at hanggang January ang first semester; February hanggang June naman ang second semester. July at August ang summer vacation.
“O sige na, mag-iingat ka na lang dyan. You can take care of yourself that’s why I trust you,” paalam nito. “I’ll call you back tonight, okay?”
“Yes, Dad, thanks. Bye for now. I love you,” malambing na sabi niya.
“I love you too, anak.”
Nang maputol na ang usapan nila ay napansin niya ang puting Honda Civic na nakaparada sa katabing bahay. May tao naman pala doon. Tiningnan niya ang oras sa cellphone. Alas-singko na ng hapon. Ganoong oras ang uwian ng mga tao. Naisip niya, mabuti pa ang iba, may ginagawa. May pinagkaka-abalahan. Samantalang siya, wala. Hindi siya sanay ng walang ginagawa. Workaholic kasi siya at lakwatsera. Halos lahat ng responsibilidad ay inaako niya. Wala siyang tinatanggihan hangga’t kaya niya. Aktibong-aktibo siya sa paaralan. Kapag wala na siyang ginagawa, maghahanap at maghahanap siya ng gagawin. Tumutulong siya sa opisina ng Daddy niya, at miyembro rin siya ng iba’t-ibang grupo sa paaralan katulad ng Archaeology Students Organization of Athena University, Amigo de Jesus, Peer Counselors’ Group at kung anu-ano pa. Matatawag din siyang achiever. Aminado ang mga kapatid niya na siya ang pinaka-matalino sa kanilang magkakapatid. Consistent President’s Lister siya simula noong first year college at nakakuha siya ng scholarship.
Hindi siya isang ordinaryong mag-aaral. Nag-aaral siya sa pinakamagaling na paaralan ng
Athena
Island, ang
Athena
University. Hindi biro ang makapag-aral sa ganoong unibersidad. Matatalino ang lahat ng mga estudyante doon at kilalang tao mula sa iba’t-ibang bansa, at doon din nanggaling ang ilang magagaling at mayayamang negosyante, magagaling na guro, doktor, at iba pang mga tao na nagdala ng karangalan sa kani-kanilang bansa. At mapalad siya—sila ng pamilya niya dahil nakapasok at nakapag-aral sila sa
Athena
University. Ibig-sabihi’y napapabilang sila sa mga matatalino at maabilidad. Kapag nagtapos ang isang tao sa A.U. ay madali itong makahanap ng magandang trabaho, at kung minsan ay ang trabaho pa ang lumalapit sa kanila. Sila pa ang dinadayo sa paaralan ng mga kilalang kompanya at institusyon sa mundo. Kahit nagtapos ng walang honors ay kikilalanin bilang matalino dahil kinikilatis at sinasanay ng maigi ang mga mag-aaral sa A.U. Iyon ang isa pang dahilan kung bakit masyado siyang dedicated at seryoso sa pag-aaral. Sanay na siya sa stress, puyat, pagod at pressure ng ilang professors. Napaka-workaholic niya.
Pero ang pagiging workaholic niya ang dahilan kung bakit nagbabakasyon siya ngayon sa maliit na bayan ng Posiedon sa Athena Island at dahil na rin sa kagustuhang makapag-move on sa break up nila ng first boyfriend niya na si Jeremy, nagkasakit siya. Nalaman niyang mayroon itong ibang kasinatahan sa
Denmark. Ang babae mismo na nagngangalang Kristal ang nag-contact sa kanya at sinabing mayroon itong relasyon sa nobyo niya. Nang kausapin niya si Jeremy tungkol doon, inamin naman nito ang nagawang pagkakamali. Dinamdam niya ang mga nangyari. Masyado niyang inabala ang sarili sa mga gawain. Nangayayat ng husto dahil palaging puyat at pagod.
Hindi naging madali para kay Gracie ang mga nangyari. Minahal niya ng husto si Jeremy. Ito ang unang pag-ibig niya. Nagkakilala sila nito sa
Athena
University noong January 2008, mahigit isang taon na ang nakakalipas sa isang paper presentation sa celebration ng Computer Studies Week, kung saan naimbitahan silang dumalo ng ilang mga ka-klase. Graduating noon si Jeremy sa kursong Bachelor of Science in Digital Illustration and Animation. Dahil intresado din siya sa animation, napakarami niyang tanong sa open forum. Hanggang matapos ang paper presentation ay napakarami pa rin niyang katanungan. Naging magaan ang loob nila sa isa’t-isa. Kung saan-saan napunta ang pag-uusap nila hanggang imbitahan siya nitong kumain ng tanghalian sa isang restaurant sa loob ng campus. Pinaunlakan naman niya iyon. Pagkatapos noon ay madalas na niya itong makita sa campus. Nagtrabaho ito ng ilang buwan sa Apollo Films sa A.U. bilang cartoonist. Makalipas ang ilang buwan, naging mag-nobyo sila.
Mas matanda ito sa kanya ng tatlong taon. Korean si Jeremy at kamukha nito ang Koreanong actor na si Lee Min-Ho o mas kilala bilang Gu Jun Pyo sa teleseryeng Boys After Flowers (Hanayori Dango), ngunit hindi sa
Korea ang puso ni Jeremy. Ipinanganak at lumaki ito sa
Denmark. Panganay sa magkakapatid, at napaka-responsible nito at protective sa pamilya, ngunit sarado ang isip nito. Naiinis si Jeremy kapag nagbibigay siya ng mga hindi kagandahang komento sa mga kapatid nito, at lalo na kapag inaaway ito ng bunsong kapatid na si Jessica dahil sa selos sa kanya. Isinama na siya nito sa
Denmark, isang beses. At kahit maunawain siyang tao, hindi niya maiwasang mainis sa mga kapatid ng nobyo. Ipinadama ng mga ito sa kanya na unwelcome siya sa tahanan at pamilyang iyon. Siyempre hindi niya iyon sinabi sa daddy niya. Tiyak na maiinis ito at sasama ang loob hindi lang kay Jeremy kundi sa pamilya nito. Sa mga kapatid lamang niya sinabi iyon, at pati na rin sa mga best friends niya.
Nang mag-resign si Jeremy sa trabaho, bumalik ito ng
Denmark. Naging mahirap sa kanya ang sitwasyon. Long distance communication. Tawag, text at chat ang means of communication nila. Sa web cam na lamang niya nakikita ang nobyo, at kung minsan ay hindi pa sila nagkakausap dahil sa schedules nila. Onse oras ang pagitan ng
Athena
Island at
Denmark. Minsan ay kailangan niyang gumising ng alas-singko ng madaling-araw sa Athena (alas-kwatro ng hapon sa
Denmark) upang makausap ito dahil sa oras na iyon ay nasa bahay na si Jeremy.
Dahil na rin siguro sa sitwasyon kaya nangyari ang kinakatakutan niya. Hindi na sila nagkakausap ng nobyo. Ang dahilan nito ay abala sa trabaho, at ganoon din siya, abala sa pag-aaral. Hanggang sa makatanggap siya ng e-mail sa isang ‘di kilalang babae na nagpakilalang Kristal Montez, Danish-Mexican at nobya daw ni Jeremy. Tila gumuho ang mundo niya nang aminin ni Jeremy ang pagkakamali. Pero ayon sa lalake, siya ang mas mahal nito kesa kay Kristal. Nakipag-kalas siya. Ganoon din si Kristal kay Jeremy. Humingi pa si Jeremy ng isang pagkakataon, ngunit hindi na niya ito pinagbigyan. Oo, mahal na mahal niya si Jeremy, at hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa buhay niya kung wala ito. Ngunit nahihirapan na siya sa ganoong relasyon. Hindi maiwan-iwan ni Jeremy ang pamilya kahit gusto nitong mag-trabaho sa A.U., at hindi ito basta-basta makaalis ng
Denmark, dahil na rin sa pamilya nito. Ayaw niya ng ganoon. Walang kalayaan.
Isinubsob niya ang sarili sa pag-aaral at gawain sa organizations niya para makarecover sa mga nangyari. Humina ang resistensiya niya at nagkasakit kaya siya pinag-bakasyon muna ng daddy niya sa halip na mag-aral ngayong darating na summer. Ngayong nakapag-move on na siya kay Jeremy, ang pagre-recover naman sa kalusugan ang aasikasuhin niya. Pinayuhan siya ng Daddy niyang magbakasyon muna sa Posiedon. Gusto nitong makalayo muna siya sa
Athena
City, dahil kapag naroon siya, mapipilitan lang siyang mag-enrol kahit summer, o sumama sa activities ng organizations niya at hindi siya makakapag-pahinga ng maayos. Kung nasa Talisay naman siya, hindi niya magagawa ang gusto niyang tumayo sa sariling mga paa.
Bachelor of Arts in Archaeology ang kinuha niyang kurso. Four-year course iyon at incoming third year na
sana siya ngayong summer, ngunit...
You need a break, tila naririnig pa niya ang boses ng Daddy niya.
Yeah, I really need a break! Sabi naman ng isip niya.
Simula nang mawala ang kuya Seph niya noong nakaraang Enero, medyo nag-iba ang ihip ng hangin. Ang ate Heart niya ay mas lalong naging malungkutin. Muntik na nitong makalimutang may boyfriend ito. Ang kuya Wim naman niya’y hindi na rin masyadong palaimik. Ang Daddy nila ay masyadong naging subsob sa trabaho. Ang ate Sugar lang yata niya ang hindi nagbago. Siya, sinusubukan din niyang mabuhay ng normal, tulad ng dati kahit kulang na sila ng isa sa bahay, ngunit kasunod ng pagkawala ng kuya Seph nila ay ang sakit na idinulot sa kanya ni Jeremy. Kailangan niya ng bakasyon. Kailangan niyang magpahinga sa mga sakit at sama ng loob.
Napansin ni Miguel na may ilaw sa kabilang bahay. May nakatira na pala doon. Mabuti naman, sa loob-loob niya. Mabuti naman at may makikita na siyang kapitbahay kahit ngayong bakasyon lang. Bakasyon na pala. Isang linggo na lang, matatapos na ang duty niya sa ospital. At sa September, fourth year na siya sa medical school. Matutupad na rin ang pangarap niyang maging doktor. Maayos naman ang pag-aaral niya. Consistent Dean’s Lister siya simula first year, at noong nasa pre-med course siya ay President’s Lister naman siya. Nasa kanya na ang magagandang katangian—matalino, masipag, mabait, mapag-mahal at guwapo daw, sabi ng mga kaibigan niya. Sa tuwing lumalabas sila ng mga kaibigan niya at nakakakilala ng mga babae, parating napapansin ng mga kaibigan niya na siya ang pinaka ma-appeal sa lahat. Sa kanya napapatingin at nakikipag-kilala ang mga babae, pero hanggang ngayon, wala pa rin siyang girlfriend.
Nagkaroon na siya ng girlfriends noon. Si Trish noong high school siya sa Maynila, si Phoebe noong Biology major student pa lamang siya sa Far Eastern University.
Sa Athena Island na siya nagpatuloy ng medicine matapos matanggap sa Minerva College of Medicine. Lumipat sila ng mga magulang sa
Athena
Island dahil sa trabaho ng ama niyang Close-in Security ng isang kilalang business tycoon sa
Athena
Island, pero ‘di naglaon ay namatay ito nang ma-kidnap ang bunsong anak ng amo ng daddy niya. Gayunpaman, walang sama ng loob ang mag-inang Miguel at Natalie Atienza sa pamilya Formento. Inalok siya ng trabaho ng pamilya, ngunit ayaw na niyang maging CIS katulad ng ama.
“I don’t want to take lives. I want to save lives,” sabi niya noon sa ina kaya’t ipinag-patuloy niya ang pag-aaral sa medical school. Sinuportahan na lamang ng pamilya Formento ang pag-aaral niya bilang tulong. Sa ngayon, wala siyang pino-problema pagdating sa mga gastusin sa medical school. Ang allowance lamang sa bahay nila ang iisipin niya at ang pag-aaral.
Si Carla naman ang naging girlfriend niya nang nasa medical school na siya. Pharmacy ang kursong kinuha nito. Nagkaroon sila ng relasyon at halos isang taon din ang itinagal. Isang taon lang nag-aral doon si Carla at pagkatapos ay umuwi na ito ng
Marshall
Island. Noong nakaraang November lang naputol ang relasyon nila dahil na rin sa kakulangan sa oras at malayo sila sa isa’t-isa. Nagkaroon ito ng ibang kasintahan at nalaman niyang buntis na ito sa ibang lalake.
Labis siya noong nasaktan. Si Carla ang lubos na minahal niya sa lahat ng niligawan at naging kasintahan niya. Pero inaamin niya, may mga pagkukulang din siya kay Carla kaya hindi siya talagang galit. Mayroon siyang nakilala matapos ang ilang buwan, si Jodi, maganda, matalino at masipag. Kasing-gulang lang niya ito, pero hindi sila compatible at alam nila iyon pareho. Parehas kasi sila sa lahat ng bagay. Masyado rin itong matalino at demanding, at tingin niya ay hindi sila magkakasundo kaya’t hindi na niya ito niligawan. Pinutol na rin nito ang komunikasyon nila.
Ang gusto niya sa babae ay iyong medyo kabaligtaran niya. Iyong iba ang hilig at pananaw sa buhay. Nasaan na kaya yung babaeng nakilala niya noon sa birthday party ng kaibigan niyang si Philsan? Dalawang buwan na rin ang nakalilipas magmula nang makita niya ang babaeng nakapukaw ng atensyon niya sa birthday party ni Philsan sa Eco Village sa bayan ng Dionysus. Una niya itong nasulyapan sa cottage malapit sa fish pond. Kinunan pa nga niya iyon ng stolen shot sa camera phone niya. Kung may oras lang siya, ipipinta niya ang babae. Ngunit kulang na kulang na siya sa oras. Lahat ng oras niya ay ginugugol niya sa pag-aaral. Hiningi niya kay Philsan na common friend nila ang pangalan at number ng babae. Nalaman niya ang pangalan—Gracie, at hindi taga-Dionysus, pero iyon lang. Wala ng ibang impormasyon. Pati ang number nito ay hindi ibinigay ni Philsan. Ayaw daw kasi ni Gracie ibigay ang numero nito at iba pang impormasyon sa hindi nito kakilala. Gusto
sana niya itong kausapin ng personal, ngunit hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap ito dahil umalis na siya matapos ang party. Hanggang ngayon, naroroon pa rin sa camera phone niya ang picture ni Gracie. Gracie. Napakagandang pangalan. Parang Grace o biyaya. Tama kaya iyon sa personality niya? Biyaya nga kaya siya sa mga taong malapit sa kanya katulad ng isang anghel na hulog ng langit?
Tiningala ni Miguel ang oras sa wall clock. Alas-diyes na ng gabi. Hindi na niya namalayan ang oras dahil abala siya kababasa ng libro. Kailangan niyang mag-aral dahil duty na naman niya bukas sa Emergency Room. Ganoon na palagi ang ginagawa niya. Pagkatapos ng duty, uuwi sa bahay, kakain, sandaling manonood ng tv, mag-aaral at matutulog na. Mag-isa lang siya sa bahay. Nasa
Canada ang dalawang mga nakatatandang kapatid niya at ang Mommy niya.
Doon muna ang ina pansamantala. Mayroon ng sariling pamilya ang kuya Red niya, at ganoon din ang kuya
Jordan niya. Bunso siya sa tatlong magkakapatid. Ulila na sila sa ama. Sanay na siyang mag-isa. Hindi naman siya loner, pero hindi siya lumalabas kasama ang mga kaibigan niya. Mas gusto niyang nasa bahay. Paminsan-minsan ay sumasama din siya sa lakad ng mga kaibigan kapag tapos na ang exams nila at walang duty sa ospital.
Maagang nagising si Gracie. Balak niyang mag-simba. Umaasa siya na may makikilala siyang mga tao sa lugar na iyon. Alas-sais pa lamang ay bihis na siya at handa na sa pagpunta sa simbahan. Malapit lang naman iyon kaya maglalakad na lang siya. Paglabas niya ng bahay ay nakita niya ang isang lalake sa kabilang bahay. Nakatalikod ito sa gawi niya kaya’t di niya makita nag mukha. Sumakay ito sa kulay puting Honda Civic na nakita niya kahapon at umalis na. Mag-isa lang din kaya ang lalakeng ‘yon sa bahay nito? Maya-maya ay napakibit-balikat siya at nagsimula ng maglakad papunta sa simbahan.
“Gracie, dear, ano’ng balita? Kamusta ka na dyan?” Kausap ni Gracie sa telepono ang nakatatandang kapatid na si Sugar.
“Ok naman po ako dito, ate. Wala pa rin akong nakikilalang kapitbahay. Halos araw-araw akong nagsisimba. Wala pa rin akong kakilala, kaya si God ang palagi kong ka-date,” sagot niya. Nasa labas siya noon ng bahay at nakaupo sa garden habang kausap sa cellphone ang kapatid at nag-i-internet gamit ang laptop niya. Halos araw-araw silang nag-uusap ng mga kapatid sa telepono, lalo na ang ate Sugar niya at mahigit isang oras ang itinatagal. Kung wala pa itong gagawin ay hindi pa nito ibababa ang telepono. Minsan naman ay nagkakataon na nakauwi na ang ate Heart nila. Ipapasa nito sa panganay na kapatid nila ang telepono at walang-sawa silang magku-kwentuhan. Kagabi ay tatlong oras niyang kausap ang ama. Alam niyang nangungulila ang pamilya sa kanya dahil hindi sila sanay na hindi magkakasama.
Binuksan niya ang e-mails at nakita niyang mayroong mensahe galing kay Jeremy, ang ex-boyfriend niya na kaaalis lang ng bansa papuntang
Denmark matapos bumisita sa
Athena
Island pero hindi sila nagkita.
“Kaunting tiyaga lang, sis…” narinig niyang sabi ni Sugar.
Hindi siya nakasagot kaagad dahil binabasa niya ang mensahe galing kay Jeremy.
Sana raw ay nasa maayos siyang kalagayan at
sana raw ay sagutin niya ang e-mail nito.
“Sis, are you still on the line?”
“H-ha? O-opo, andito pa ako,” sagot niya. “Binasa ko lang kasi yung email ni Jeremy.”
“So he’s still interested on you…”
“Nangangamusta lang.” Alam niyang masama ang loob ng pamilya niya kay Jeremy dahil sa ginawa nitong panloloko sa kanya.
“Hindi na siya makakaapak ulit ng
Athena
Island. Subukan lang niya! Magsama sila ng Kristal niya sa
Denmark!” Nasa tinig ng kapatid niya ang pagkainis.
“Tama na nga yan… Hayaan mo na. Nangangamusta lang naman.”
“O, sige na nga… Pero sis, siguraduhin mo lang na hindi ka makikipag-balikan dun.”
“Opo, Nanay,” biro niya.
“Ano’ng nanay? Si ate Heart ang nanay, hindi ako,” kaagad na tanggi nito.
Natawa siya. Ang ate Heart na kasi nila ang tumayong ina sa kanilang magkakapatid magmula nang mawala ang Mommy nila kaya ‘Nay’ ang tawag nila minsan kay Heart. “Nasaan si Bossing?” pag-iiba niya ng usapan. ‘Bossing’ naman kung tawagin nila minsan ang daddy nila.
“Nasa opisina pa. Uuwi na yun maya-maya.”
“Alas-siyete na, ah? Bakit ‘di pa umuuwi yun?” Kadalasan, bago pumatak ang alas-sais ng gabi ay nasa bahay na silang lahat. Nakasisiguro siyang nag-overtime na naman ang ama.
“Alam mo na ang sagot dyan, Gracie. OT na naman…”
“Sinasabi ko na nga ba. Baka nagpapaka-pagod na naman yun. Sina ate Heart at kuya Wim, nasaan?”
“Si ate Heart, nasa trabaho. Si Wim, nasa school din.
Panay ang laro ng basketball. Halos araw-araw. Nahawaan na nila Philsan. Kahit wala na dito sila Phil, may naiwang legacy kay Wim, ang pagkahilig sa basketball. Sabay yun uuwi sina Wim at si Daddy. Si ate Heart yata, ihahatid ng knight-in-shining armor niya.”
Silang
lima na lamang ang magkakasama sa buhay—siya, ang ama, dalawang mga nakatatandang kapatid at ang kuya Wim niya, pinsan nila at kapatid na rin kung ituring nila. Walong taong gulang lang siya nang mamatay ang Mommy nila dahil sa sakit. Dose anyos noon ang ate Heart nila, at sampung taon naman si Sugar. Ang Daddy na nila ang nag-alaga sa kanila at nagpalaki. Pinunan nito ang lahat ng mga pangangailangan nila at ibinigay ang kalinga ng isang magulang. Ni minsan ay hindi sila nito pinabayaan. Habang lumalaki naman ang ate Heart niya ay ito ang nagiging katuwang ng ama kaya at siya na ring tumatayong ina nilang magkakapatid.
Ilang buwan matapos pumanaw ang mommy nila, naaksidente naman sa eroplanong sinasakyan ang nag-iisang kapatid ng daddy nila at ang asawa nito, dahilan ng pagkamatay ng mag-asawa. Hindi pa man tuluyang nakaka-adjust ang daddy niya sa sitwasyon bilang ina at ama sa kanila, inako na nito ang responsibilidad sa mga naulilang anak ng kapatid nito, sina Seph at Wim. Si kuya Seph ay kasing-gulang ng ate Heart niya at sabay ng nag-aral ang dalawa. Ang ate Sugar at kuya Wim naman ay magkasing-gulang at magka-kalse rin. Siya lamang ang walang kapareha, kaya’t mas gusto niyang kasama ang mga kaibigan. Itinuring nilang mga tunay na kapatid sina Seph at Wim. Mababait ang dalawa at protective rin pagdating sa kanila. Ngunit ngayon,
lima na lamang sila sa buhay. Hindi na nila kasama ang kuya Seph niya at kung bakit, ibang istorya naman iyon. Tila nawalan sila ng isang pakpak nang mawala si Seph sa pamilya nila. Mayroong kulang sa bahay nila, at sa buhay nila. Hindi sila sanay na wala si Seph, lalong-lao na ang ate Heart niya. Kambal-tuko ang dalawa, at tila nawala na rin ang kalahati ng buhay nito nang mawala si Seph. Ngayon, kahit papaano ay nasasanay na ang ate niya na mag-isa at walang Seph sa tabi nito.
Sa bayan ng Talisay sa Camarines Norte nakatira noon ang mag-asawang Rolando at Laureeana Gonzaga.
Doon ipinanganak sina Pia Flordeluna o Heart, Dulcis Ashley o Sugar at Regine Grace. College professor sa A.U. ang daddy nila at bihira nila itong makasama. Ngunit nang magkasakit ang mommy nila, tumigil na ito sa pagtuturo at umuwi ng Pilipinas upang makasama sila. Hanggang pumanaw ang mommy nila, hindi na ito umalis. Inasikaso at pinalago nito ang negosyo nila.
Likas ang pagiging mabait ng ama nila at napakarami nitong mga kaibigan at maraming tauhan nila ang nagmamalasakit rito. Palagi itong nakangiti at maaliwalas ang mukha. Mahilig itong kumanta at makipag-kwentuhan sa kanila. Ibinubuhos nito ang buong atensiyon sa kanilang magkakapatid.
Nang umalis ang mga kapatid niya para mag-aral sa Athena, si Gracie ang naiwan sa bahay kasama ng ama. High school pa lamang siya noon. Siya na ang nag-alaga sa ama, magmula nang umalis ang ate Heart niya. Sa madaling-araw kapag magigising si Gracie ay nakikita niya ang ama sa study room nito na pinag-aaralan ang ilang mga papeles. Kung minsan ay ipinagtitimpla niya ito ng maiinom at ikinukuha niya ng makakain bago siya bumalik sa pagtulog. Natutuwa naman ito sa ginagawa niya. Noong mga bata pa sila, sa umaga ay ito ang nagluluto at naghahanda ng lahat ng mga kakailanganin nila. Mula sa paghahanda ng uniporme nila, paliligo, pagkain, pag-turo ng assignments at hanggang sa pagtulog ay inaasikaso sila nito kahit marami itong trabaho. Kumuha ito ng katulong o yaya para sa kanila. Sa probinsiya ay mga señorito at señorita sila, pero sa Athena ay mga simpleng tao lang sila at gumagawa ng mga gawaing-bahay. Maraming isinakripisyo para sa kanilang magkakapatid ang daddy nila kaya naman lumaki silang malaki ang respeto at paghanga rito.