Your Story Haven
Share Your Stories Online
Novels Index      hopeshardae/pretend01
Print this pageAdd to Favorite






 
 
 
 
 


 
Pretend Just A Little
by Hope Shardae
 
 
 
 

Chapter One

 

          Nakita agad niya ang pagkunot ng noo ni Bryan nang matanawan siya nito sa labas ng bar and restaurant na tinugtugan nila. Napangiti naman siya at nagkunwaring hindi ito napapansin. Nagpatuloy lang siya sa paglakad papasok ng bar. Abala ang lahat sa pagseset-up ng mga instrumento nila sa stage kaya halos walang nakapansin sa pagdating niya.

          Inayos muna niya ang kanyang bullcap bago nagsalita. “Hi, everyone.”

          “O, Maya ang aga mo naman para bukas,” tudyo sa kanya ni Jojo, ang lead guitarist nila.

          “Namiss niyo lang ako kaya gusto ninyong maaga ako dito.” Ibinababa niya ang kanyang backpack at tinalon ang stage. Siya ang vocalist ng grupo at siya rin ang prinsesa ng mga ito dahil siya lamang ang babae. Pero ganon pa man hindi niya kailanman naramdamang binastos siya ng mga ito sa halip pa nga ay pinoprotektahan siya ng mga ito.

          “Hi, Bryan, good morning! Ang gwapo natin ngayon, ah.” Ito naman ang drummer nila at longtime crush niya na sa kasamaang palad ay una pa lang na pagtatapat niya ay basted na agad siya.

          “Kung mapapansin mo hindi na morning. Malapit nang maglunch at kanina ka pa namin hinihintay.” Gaya pa din ng dati masungit na naman ito sa kanya.

          “Ikaw naman sandali lang tayo naghiwa-hiwalay namiss mo na agad ako.”

          “Hindi ako nakakamiss ng babaeng hindi marunong magsuklay.”

          Binalewala lamang niya ang sinabi nito at tumalon pababa ng stage. Naka-spaghetti strap blouse siya na green at shorts na itim at halos umabot lang ng kalahati ng hita niya. Ang buhok niya ay hinayaan na lamang niyang nakalugay at hindi na niya inabalang suklayin. Basta na lamang nilagyan iyon ng bullcap.

“Nakita mo na naman ang kagandahan ko.” Umikot siya sa likod ng bar counter at kumuha ng tubig doon.

          “Ikaw maganda? Sino namang nagsabi sa iyo niyan? Buhay pa ba?”

“Ako. Hindi mo ba narinig?” Ibinababa niya ang baso at bumaling sa ibang kasama. “Kuya Andy, ‘di ba maganda ako?”

          “Kapag napasagot mo na ‘yang si Bryan, maganda ka na para sa amin,” sagot nito sa kanya.

          “Pakipot naman yan. Ang tagal-tagal ko nang nanliligaw ayaw pa akong sagutin.” Inalis niya ang bull cap at itinali ang kanyang buhok. Alam niyang ano mang sandali ay magsisimula na ang practice nila.

          “Matuto ka munang magdamit ng matino.”

          “Di ka lang marunong tumingin ng fashionable at hindi.”

          “Okay, folks. Shall we start?” Binalingan niya si Bryan na naka-upo na sa harapan ng drums at may hawak nang drumstick.

          “Game!” sigaw ng iba niyang kasama.

          “But before that, ngumiti muna ang lahat.”

          Nagsisunudan naman ang mga ito sa kanya maliban kay Bryan.  Wala.  Hopeless case ka na, but still you’re handsome as ever.

          Nakita niyang lumabas mula sa kusina ang ibang staff. Ganito naman ang mga ito kapag magsisimula na ang practice nila.  Ang pasimuno ay ang mismong may-ari. Nag-thumbs up pa siya dito bago nagsimulang kumanta.

          Isang masigabong palakpakan ang inani nila nang matapos ang kanilang pagtugtog. Game na game naman siyang nagbow sa kanyang mga audience at nagflying kiss sa mga ito at kumaway na akala mo’y isang beauty queen.

          “I love you, Maya!” sigaw naman ni Toto, ang kusinero ng bar na iyon. Kinalampag nito ang hawak na kaldero at sandok.

          “Thank you, thank you. Tots, hindi kita pwedeng sagutin. Loyal ako kay Bryan.”

          Inulan ng tukso ang binata ngunit parang wala itong naririnig.

          “Ano ba Bryan! Hindi mo ba talaga sasagutin yang si Maya ha? Aba’y may isang taon na yang nanliligaw, ah.”

“Matuto muna siyang magdamit ng maayos.”

          Napatungo siya sa suot. Ano bang mali sa suot ko?

            “Mag-maria clara ka muna daw Maya,” sulsol ni Jojo.

“What’s wrong with my clothes?”

          “Wala naman, nagkataon lang na conservative ang nililigawan mo kaya naman pala hindi ka masagot sagot.”

          Hindi na lang niya pinansin ang mga ito. Ayaw talaga niya sa lahat ay ang pinakikialaman ang suot niya. As long as komportable siya nunca siyang baguhin ang style niya kahit pa abutin ng World War III hanggang VIII pa ang panliligaw niya sa binata.

          “Siya, siya, tama na muna ‘yan. Kumain na kayo at maya-maya lang ay may mga tao na.” Pag-aawat ni Mang Tony sa kanila. Ito ang may-ari ng bar na tinutugtugan nila.

          Nagkanya-kanya namang talon ang mga kasamahan niya mula sa stage. Nagpahuli na siya sa takot na maitulak siya ng mga ito sa sobrang kasabikang makakain. Bahagya siyang umurong para bigyan ng daan ang mga ito sa pagkakagulo at hindi niya napansin na sa pag-urong niya ay nasa likuran na pala niya ang Bryan.

          “Hey!”

          “Sala—“ Hindi niya naituloy ang sasabihin nang pagtingala niya ay nakasalubong niya ang mga mata nito. Ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataong makalapit ng ganon sa binata and it made her heart beat faster. Kahit saang anggulo tingnan ang binata ay sadyang napakagwapo nito. Matangkad ito, matangos ang ilong at kahit hindi ito laging ngumingiti ay lalo iyong nakadagdag sa appeal nito.

          “Ehem! Akala ko ba pare, hindi mo sasagutin? Bakit kung makahawak ka parang ayaw mo nang bitawan?” Nasa baba na pala ang lahat at silang dalawa na lamang ang natitirang nasa itaas ng stage sa nakakatawang pwesto pa dahil kahit sinong makakita ay aakalaing parang hahalikan siya ng binata.

          “Pwede mo na akong bitiwan.”

Para namang napapasong binitawan siya nito. Naku ha, nakakainsulto ka na ng kagandahan ng may kagandahan.

          “Tumingin ka nga sa dinadaan mo sa susunod.”

          “Haler! May mata ba ako sa likod?” tumalon na din siya ng stage at naramdaman niyang sumunod na din ito ng pagtalon sa kanya. “Ikaw diyan ang hahara-harang tapos sisishin mo ako.”

          “May sinasabi ka ba?”

          “Wala, ang sabi ko subuan mo ako.”

          Nagkatawanan ang mga nandon sa sinabi niya dahil sumimangot lang ang binata. Kahit kailan talaga pikon ang taong ito. Hindi marunong makisakay sa joke.

            Masaya at magulo silang kumain, handa na sana siyang makigulo sa pagkain nang matigilan siya sa ulam. Mukhang nakalimutan naman ni Toto na hindi pwede sa kanya ang seafoods. Ang kaso lang mukhang masarap ang mga nakahain sa kanyang harapan at sa totoo lang ay gutom na gutom na talaga siya. Nadagdagan pa iyon ng mga nakikita niya.

          Isang malalim na bunting-hininga muna ang kanyang pinakawalan bago nagdesisyon  kung kakain ba siya o hindi.

          “Ayaw mo ba ng pagkain Maya?”

          “Hindi naman. May iniisip lang muna ako. Huwag niyo na akong intindihin. Nagpapansin lang ako.” Ibinababa na niya ang kanyang kutsara at tumayo. Ayaw niyang matukso at indain ang allergy kapag kumain siya ng bawal na pagkain, and worst, baka hindi pa siya makapagperform mamaya.

          “Tatay Tony, manggugulo lang ako sa kusina ha.”

          “Sure, go ahead. No problem.”

          Nang makarating naman sa kusina ay hindi niya alam kung anong iluluto niya at nakalimutan nga pala niyang hindi siya marunong magluto.

          “Naman. Ang malas malas ko naman.”

          “Anong gusto mong iulam?”

          “Ay! Kabayo!” Napatalon siya sa sobrang gulat nang may biglang magsalita sa kanyang likuran.  Hindi niya napansing naroon pala si Bryan.

          “Anong gusto mong ulam?” pag-uulit nito sa tanong.

           “Wala. Tinatamad na pala akong kumain. Babalik na lang ako doon.” Humakbang siya palabas ng kusina nang bigla na lamang siyang pigilan nito nang malapit na siya sa may pinto.

          “Bawal sa iyo ang seafoods kaya huwag mo nang subukan pang kumain noon.”

Huh? Natandaan nitong bawal sa kanya ang seafoods. Napangiti siya sa isiping iyon. Hindi naman pala useless ang mga pagpapansin niya dito.

          “Huwag kang mag-ilusyon diyan. Natandaan ko lang iyon dahil ako ang binulabog mo noon dahil sa kawalan mo ng disiplina sa sarili.”

          Oo nga pala, ito ang nag-alaga sa kanya nang subukan niyang kumain ng mga iyon at ang resulta, halos hindi na siya makahinga dahil sa epekto ng pagkain noon, at ang binata ang matiyagang nag asikaso sa kanya. Kaya nga lalong nahulog ang loob niya dito.

          “So what do you want?”

          Ikaw, sigaw naman ng isip niya.

          “Kahit ano na lang. Pork chop na lang.”

          “Kahit ano tapos porkchop.”

          Eksperto itong kumilos pagdating sa kusina. Hindi nakabawas sa kagwapuhan nito ang isinuot na apron in fact lalo pa ngang lumakas ang dating nito para sa kanya. Kung eto na lang kaya ang ulamin niya.

          Napangiti siya sa isiping ‘yon. Ewan ba niya pero unang kita pa lang niya sa binata ay hindi na agad niya makalimutan ito kaya nga nang mag-audition ito bilang drummer ng grupo nila ay agad niyang pinakiusapan ang Kuya Andy niyang tanggapin ito, at doon na nga nagsimula ang panunuyo niya rito na sa kasamaang palad ay wa epek.

          “Here. Eat.”

          “‘Lika saluhan mo na ako,” aya niya dito.  Kumuha ito ng kanin para sa kanya pero hindi ito kumuha ng para sa sarili. “Nakakasama ka na ng loob ha. Ganon ba talaga ako kapangit para hindi mo ako sabayang kumain?”

          Binuhat niya ang kanyang plato at bumaling pabalik sa labas ng kusina. Nawalan na siya ng gana, masyado naman nitong ipinamukha sa kanya na ayaw nito sa kanya.

          Pinigil nito ang braso niya kagaya ng ginawa nito kanina. “Stay. Kakain na din ako.”

          Ibinababa muli niya ang plato niya pero hindi pa rin nito mapawi ang tampong nararamdaman niya. Nakita niya mula sa sulok ng kanyang mga mata na kumuha na rin ito ng pagkain para sa sarili.

          “Kumain ka na.”

          “Kakain ako kung kelan ko gusto. Huwag mo akong utusan.”

          “I’m sorry, okay. Now, would you eat please?”

          Tinalikuran niya ito at nilaru-laro lang ang pagkain sa plato niya. Gusto na talaga niyang tumayo at iwan ito, hindi nga lang maatim ng butihing konsensiya niya. Nagulat na lamang siya nang biglang umikot ang kinauupuan niya and the next thing she knew ay kaharap na niya ang binata.

          “I already said I’m sorry and I mean it. I’m a jerk okay. Can you please eat now?”

          Natunaw lahat ng galit niya nang makita ang ekspresyon ng mukha nito. Halata sa gwapong mukha nito ang guilt at frustration na nararamdaman.

          “Please.”

          “Naku, kung hindi lang kita mahal.” Ibinalik niya sa ulo ang bullcap at umayos ng upo para makakain ng maayos.

           “What did you just say?”

          “Sabi ko mahal kita.” Vocal siya sa nararamdaman niya tungkol sa binata. Pero mukhang hanggang ngayon ay hindi siya nito sineseryoso. “What?”

          “Kumain ka na lang.  Gutom lang ‘yan.”

          Bago pa muli siya makasubo ay naramdaman na niyang lumadlad sa balikat niya ang mahaba niyang buhok. Hawak-hawak nito ang kanyang bullcap, itinupi nito iyon at ibinulsa.

          “Hindi mo dapat itinataas ang buhok mo. Mas maganda ka kapag nakaladlad ang buhok mo.”

          Napatanga naman siya dito, mukhang maganda ang epekto dito ng amoy ng kusina dahil sa unang pagkakataon ay sinabihan siya ng maganda at hindi lang basta maganda. Hmm. Mas maganda daw ako. Ibig sabihin maganda siya para dito dahil gumamit ito ng word na mas.

          “Ano pang itinatanga mo diyan? Hindi ka pa ba kakain?” Bumalik na naman ito sa pagiging masungit.

          “Kakain na po.”

“Masarap siya. Thank you, thank you.”

          Tumango lang ito sa kanya at ipinagpatuloy ang pagkain. Masaya na siya sa simpleng bagay, gaya ngayon. Makasama lang niya ang binata kahit sandali at kahit pa wala itong alam gawin kung ang simangutan siya ay masaya pa rin siya.

         

“Good evening, everyone. We’re the Clad and thank you for partying with us.” Umulan muli ng palakpakan. Kakatapos lang niya ng ikatlong kanta at oras na para sa konting spills niya. “I’m Maya, you’re one and only. Magbibigti ako kapag merong mas magandang Maya pa kesa sa akin. And there’s our Kuya Andy on the lead guitar, Jojo here on the bass, Chris at the piano and lastly Bryan, the most gorgeous creature on earth, our drummer.” Nagkaingay lalo ang mga tao doon ng ipakilala niya ang kanyang mag kasamahan. Disente ang bar and restaurant na iyon kaya hindi siya nangangambang may mambastos sa kanya.

          “I love you Maya!” sigaw ng isang lalaki sa audience. Mukhang medyo nakainom na iyon kaya malakas na ang loob na magsisigaw.

          “Hi, there. As much as I want to answer back, I’m afraid baka may magselos.” Lumingon pa siya para tingnan ang sinisinta. Alam na ng mga suki nila ang tinutukoy niya kaya naman inulan siya ng tukso.

          “Sa ‘kin ka na lang hindi ka naman niya pinapansin.” Kantiyaw ng isa sa regular customer nila.

“Kayo talaga, huwag niyo nga akong idiscourage dahil di ako magpapadiscourage.

“Kapag ‘di ka pa sinagot this year maghanap ka ng iba.”

          “I’ll do that.” Pero sa isip niya ay malabong sumuko siya sa panunuyo sa binata.

          “This song is for all of you.” Uminom muna siya ng tubig bago muling hinarap ang mikropono at kumanta. Bigay na bigay siya sa pagkanta kaya hindi na niya napansin ang paglapit ng isang lalaki. Nagulat na lamang siya nang may biglang humawak sa may bandang hita niya at dahil nakapalda siya ay ramdam na ramdam niya ang kamay nito. Nginitian lamang niya ang lalaki pero sa totoo lang ay inaatake na siya ng takot. Pasimple siyang umurong sa pwesto ng gitarista nilang si Andy. Naintindihan naman nito ang sitwasyon niya at hinayaan lamang siya sa tabi nito. Paglingon niya sa likuran ay kitang-kita niya ang seryosong mukha ni Bryan. Titig na titig ito sa lalaking nambastos sa kanya. Na-touch naman siya dito at nginitian ito.

          Natapos ang unang set nila nang walang nangyaring gulo maliban na nga lang sa yun nga nahipuan siya ng bastos na lalaki. Dire-diresto siya sa dressing room nila habang ang ibang kasamahan niya ay abala sa pag-entertain sa mga sari-sariling fans. Agad niyang kinuha ang backpack at inilabas doon ang kanyang inhaler. Pagkatapos ng bawat performance nila ay kailangan niyang gawin iyon dahil kung hindi ay malamang lagi na lang siyang nasa ospital.

          Walang pakialam na humiga muna siya sa couch sa loob ng dressing room. Sanay na ang mga kabanda niyang hindi muna siya lumalabas pagkatapos ng kanta nila pero yun nga lang hindi alam ng mga ito ang dahilan.

          “Ayos ka lang?” Nakasandal si Bryan sa hamba ng pinto at titig na titig sa kanya.

          “Yeah, I’m fine.”

          “Gusto mo ng tubig?”

          Hindi na siya sumagot at pinili na lamang matulog. Maya maya na lang siya lalabas, may dalawang set pa sila ng kanta kaya naman kailangan niya ng maraming pahinga. Sa palagay naman niya ay wala nang tao sa likuran niya kaya humarap siyang muli sa pinto.

 
 
 
 
 
 
Cover   Chapter01   Chapter02   Chapter03   Chapter04   Chapter05   Chapter06   Chapter07   Chapter08   Chapter09   Chapter10
 
 
VISITORS ONLINE 
 
YSH SHOUTBOX

 
 
In Cooperation with:
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
  
    
  
 
AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
LOVE MATCH AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
 
**Contact us if you want your link included here
 
 
 
spam blocker
 
All contents of this site are copyrighted by Your Story Haven Team.  Publication for any commercial purposes, whether whole or partial, is prohibited and punishable by law.  Please contact editor@yourstoryhaven.com for any inquiries.