Your Story Haven
Share Your Stories Online
Novels Index      garnetheart/thepromise01
Print this pageAdd to Favorite






 
 
 
 
 


 
The Promise
by Garnet Heart 
 
 
Chapter 1

 

 

            “Matagal pa ba sila?” tanong ni Julia sa dalawa niyang kaibigan habang sila’y nakatayo’t naghihintay sa tapat ng sinehan sa loob ng mall.

            “Parating na raw si Jasper,” sagot ni Lucy habang binabasa ang text message sa cellphone nito.

            Tumunog rin ang celphone ni Claire.  “Nasa parking area na raw si Benedict.”

            Aba!  Dala niya ang kotse niya!” kinikilig na wika ni Lucy.

            “Sosyal!” dagdag pa ni Julia.

            “Si Jasper, dala rin niyang kotse niya?”

            Sana.”

            Hindi naiwasang isipin ni Julia kung ano ang magiging itsura niya kung magkakasama silang lahat at siya lamang ang walang kapares.  “Parang ako lang ang walang kapares ah.”

            “Ikaw kasi eh,” ani Lucy.  “Kung sumama ka sana nung birthday ni Ma’am Hermie.  Grabe andaming mga rich guys dun.”

            “Paano naman kasi,” rason ni Julia.  “Birthday rin ng mama ko sa province.  Alangan namang sa ibang party pa ako pupunta.”

            “Dumating pa man din yung ipapakilala sana sa’yo ni Ma’am Hermie.  Guwapo raw yun.”

            Napatingin si Julia kay Lucy.  “Talaga?  Nakita mo?”

            “Hindi nga eh.  Umalis agad.”

            “May manliligaw ka naman di ba?”  Sumali si Claire sa usapan.  “Si Andrew.”

            Nagsalubong ang kilay ni Julia nang magtawanan ang dalawa niyang kaibigan.  “Che!  Sa inyo na lang yung kuripot na yun.”

            Tumawang muli si Lucy bago nagsalita.  “Korek ka diyan.  Dapat ang hanapin nating papa yung galante.  Like ours.  Kita mo ni piso wala kaming gastos pag nagde-date kami, at may car pa.  Hindi na kami nakikipagsiksikan sa MRT.”

            “Hindi naman sa nagmamayabang,” dagdag Claire.  “Tingnan mo naman, we’re all twenty four, old enough to be wise.  Ba’t ka pa nagpakatanda ng ganito kung di mo rin lang gagamitin ang utak mo?”

            “Ganun?” and tanging naisagot ni Julia.  Tatlong taon na niyang kaibigan ang mga ito.  Sabay-sabay silang na-deploy noon sa pinapasukan nilang kompanya at mula noon ay sila-sila na ang nagkasama.

            “Ay!  Andyan na sila!” hiyaw ni Claire.  “Sabay pa silang dumating o.”

            Nilingon ni Julia ang direksyon kung saan kumakaway si Claire.  Pangatlong beses pa lang niyang nakita ang dalawang guwapong binatang mga ito kaya medyo nahihiya pa siya.  Nung unang beses niyang makilala ang mga ito ay talagang abot langit ang inggit niya sa kanyang mga kaibigan.  Hindi naman nakakapagtaka na magustuhan sila ng mga ito dahil may itsura naman sina Claire at Lucy.  Tisay at matangkad si Claire at si Lucy naman ay morena at sexy kahit may kaliitan.

            “So, shall we go?” tanong ni Jasper makaraan ang kamustahan.

            “Ok, let’s go,” sang-ayon ni Claire.  “Baka mag-umpisa na yung show..”

            Paalis na sana ang lahat ng mapansin ni Benedict na parang ayaw sumama ni Julia.  “Julia are you not coming?”

            Medyo nahihiya pang sumagot si Julia.  “Kayo na lang muna ang manood.  Gabi na eh.”

            Seven thirty pa lang naman ah,” ani Lucy na nakatingin sa relo.  “Ihatid ka na lang namin ni Jasper pauwi.”

            Tumingin si Julia sa nakangiting binata.  Parang willing naman ito na ihatid siya.  “Thank you na lang pero hindi talaga puwede.  Pagod na kasi ako eh.”

            “Sigurado ka?” tanong ni Claire.

            “Oo naman.”

            “Hay naku!  You’re gonna miss a great movie,” ani Lucy.  “Last showing pa man din ngayon.”

            Pilit ang ngiti ni Julia.  “Okey lang yun.  Marami namang nagkalat na mga pirated diyan.  Bili na lang ako.”

            Hindi na siya pinilit ng mga ito at nagpaalam na sa kanya.  Bumuntung-hininga siyang pinapanood ang papalayong dalawang pares.  Napaka-sweet ng mga ito sa isa’t-isa, bagay na dumudurog sa kanyang puso.  Hindi niya maipaliwanag ang matinding inggit na nararamdaman niya.

            Habang naglalakad siya papunta sa estasyon ng MRT na karugtong mismo ng mall ay hindi maalis sa isip niya ang nakitang kakaibang ningning sa mga mata ng mga kaibigan niya.  Siguro’y ganun ang pakiramdam ng taong nagmamahal at minamahal.  Hindi na niya matandaan kung ganun din siya noong may boyfriend pa siya.  Dalawang taon na kasi ang nakaraan mula nung mahuli niya itong may ka-date na ibang babae.  Mula noon ay nawalan na siya ng interes sa mga lalaki at nagising na lamang siyang bente kuwatro anyos na pala.

            Kumpara sa kanyang mga kaibigan ay maganda rin naman siya.  Kung tisay at matangkad si Claire, maputi at above average naman siya sa taas na 5’3”.  Kung sexy si Lucy ay may hubog din naman ang kanyang katawan kahit medyo may kaliitan ang kanyang dibdib.  Maitim at tuwid ang mahaba niyang buhok, at mapupula ang kanyang mga labi’t pisngi.  Yun nga lang ay kapansin-pansin ang talim ng kanyang mga kilay.  Pina-shape na niya ito, ngunit sa tuwing lumalabas ang kanyang katarayan at tumaas ito ay sinisira nito ang ganda ng kanyang mukha.  Marami tuloy ang nag-aakalang suplada siya, at marahil ay ito rin ang dahilan kaya natatakot ang mga lalaking manligaw sa kanya.

            Sa wakas ay narating niya ang estasyon ng MRT.  Nakakapagtaka na kakaunti lamang ang mga taong nag-aabang.  Dati-rati ay nagsisiksikang parang sardinas ang mga tao kapag ganoong oras.

            Kahit malayo pa’y nakita niya ang ilaw ng paparating na train.  Natuwa siya’t hindi na niya kailangang maghintay ng matagal.  Masyado kasi siyang napagod sa trabaho at sa dalawang oras nilang paglilibot sa mall.

            “Susmaryosep!”

            Napatingin siya sa katabi niyang matanda.  Gaya ng nakagawian niyang habit ay tumaas ang kanyang kilay.  Hindi niya maintindihan kung bakit ito naghihisterya.

            “Sa kanan mo!”

            Lumingon si Julia sa kanyang kanan at noon niya nakita ang tinuturo ng matanda.  May isang lalaking nakatayo lampas sa yellow line na nilagay doon para makaiwas sa aksidente.  Kapag dumating ang train ay siguradong dali ang nakayuko nitong ulo.

            Kahit di niya tinignan ang train ay alam niyang malapit na ito.  Tinakbo niya ang dalawang metro nilang distansya at hinila palayo ang lalaki.  “Hoy, nagpapakamatay ka ba?  Tumalon ka na lang kaya doon sa labas.  Huwag dito sa harapan ko.”

            Hustong huminto ang train sa tapat nila.  Habang hinihintay niyang makalabas ang mga pasahero ay muli siyang napatingin sa lalaki.  Laking gulat niya sa nakitang itsura nito.  Mahaba at gulung-gulo ang kulot nitong buhok na ang ilang hibla pay nakadikit sa pisngi nito na marahil ay tinuyuan ng laway.  Makapal na rin ang balbas nito na para bang hindi nag-ahit ng dalawang buwan.  Ngunit ang lubhang nakapagpakilabot sa kanya ay ang matalim na titig nito sa kanya, na para bang gusto siya nitong patayin.

            Humakbang siya paatras.  Parang isang multo ang kanyang nakita.  Sa takot ay pumasok na siya agad sa train kahit may mga ilan pang naglalabasan.

            Wala ng bakanteng upuan kaya’t tumayo na lamang siya sa isang tabi.  Nang makita niyang pumasok ang lasing na lalaki ay lumipat siya sa kabila.  Ayaw niyang mapalapit sa halimaw na iyon.

            Habang umaandar ang train ay pinapanood ng lahat ang lasing na ilang beses halos matumba.  Mabuti na lamang at may mga nagmamagandang loob pang sumalo dito.  Tatahimik na sana ang lahat ng bigla itong lumapit sa isang lalaking nakaupo.

            “Oy, pare!” aniya sa bata.  “Paupuin mo itong matanda!”

            Nanlaki ang mga mata ng batang lalaking inuutusan nito.  Natakot si Julia na baka magkagulo sa loob ng train.  Mabuti na lamang at nakapagtimpi ang binatilyo ng makita ang matandang may hawak na bayong.  Tumayo ito ng walang reklamo.

            “Ayan, mabait na bata.”  Parang nang-aasar pa lalo ang lasing.  “Oy, lola!  Upo ka dito o.”

            “Salamat iho,” sagot ng matandang babae na nakangiti at umupo sa nabakantehang upuan.

            Hindi mailarawan ang asim sa mukha ni Julia habang pinapanood ang eksena.  Iniisip siguro ng lasing na isa na itong bayani, at sa itsura nito ay nagtataka siya kung bakit ito tinawag ng matandang iho.  Sa tingin niya’y nasa kuwarenta anyos na ito.

            Dumating na siya sa kanyang bababaan.  Husto namang doon rin pala bababa ang mayabang na lasing.  Hinintay na lamang niyang makalabas ito saka siya sumunod.

            Gegewang-gewang sa daanan ang lasing na kanyang sinusundan.  Hindi niya ma-imagine kung paano kaya ito makakauwi sa ganoong lagay.

            Nagulat siya ng may isang taong biglang bumangga sa kanya.  Nang mahimasmasan siya’y natagpuan na lamang niya ang sariling nakasalampak sa sahig.

            “Yung… wallet ko!”

            Noon lamang naunawaan ni Julia ang nangyari.  Dinukot pala ng lalaking nakabangga sa kanya ang wallet ng lasing kaya ito nagtatakbo.

            Tumayo siya’t pinagpag ang damit, nang biglang natumba ang lasing sa harapan niya.  Agad niyang nasalo ang ulo nito na muntikan ng nabagok sa semento.

            “Uy.”  Tinapik-tapik niya ang balikat nito ngunit hindi na ito nagising pa.  Dahil sa bigat ng katawan nito ay lumuhod siya at iniunan sa kanyang kandungan ang ulo nito.  “Hoy, gising ka nga.  Huwag kang matulog dito.”

            “Miss, bawal po ang lasing dito.  Iuwi mo na yang boyfriend mo.”

            Tiningala niya ang nagsalita.  Ang security guard pala iyon.

            “Hindi ko boyfriend—”  Hindi na niya tinuloy ang kanyang sinasabi dahil tumalikod na ang guard.  Ni hindi man lang siya nito pinakinggan.

            Maingat niyang ibinaba ang ulo ng lasing sa sahig at saka siya tumayo.  Let him take care of himself, ang sinabi niya sa kanyang sarili.  Ngunit nakailang hakbang pa lang siya papalayo ay binagabag na siya ng kanyang konsensya.  Kung bakit kasi nilikha pa ng Diyos ang konsensya.  Naisip tuloy niyang kawawa naman ang lalaking iyon kung iiwanan na lang niya doon, ninakawan pa man din ng wallet.

***

            Halos hindi makapagsalita sa kahihingal si Julia ng makarating siya sa counter ng pinakamalapit na motel na nakita niya.  Napakabigat pala ng lalaking ito na kinarga niya mula pa sa estasyon.  Kung hindi pa siya tinulungan ng isang binatilyong nasalubong niya ay talagang iniwanan niya sana ito.  Sa laki ba naman ng katawan nito at sa tangkad na siguro’y nasa sixt feet ay hindi niya talaga kakayanin itong mag-isa.

            “Sige po, ate.  Alis na ako,” anang binatilyo matapos paupuin ang lasing sa sofa.

            “Sandali lang.”  Nilapitan niya ang binatilyo at naglabas ng singkuwenta pesos.  “Ito pangmeryenda mo.”

            Tinanggap naman ng binatilyo ang pera.  “Salamat po.”

            “Sige, salamat din ha.”

            Umalis na ang binatliyo at ng bumalik siya sa counter ay napansin niya ang cashier na pinipigil ang tawa habang tinitignan ang lalaking nakahandusay sa sofa.  Hindi na niya kailangang makita pa ang dahilan.  Sino ba naman ang hindi matatawa sa itsura ng isang napakadungis at lasing na lalaking dala-dala ng isang babae.

            “Boyfriend ko,” may pagkasuplada niyang wika sa cashier.  Sanhi ng matindi niyang pagod, para lamang matulungan ang isang walang kuwentang tao, ay para siyang naiinis.  “Nakatulog sa sobrang kalasingan.”

            Napansin ng cashier ang kanyang reaction kaya’t tumigil ito sa paghagikgik.  “Pasensiya na po.”

            Bumuntung-hininga si Julia.  “May vacant pa kayong room?”

            “Aircon po?”

            “Ay, hindi!  Yung ordinary lang.  Yung pinakamura na rin.”

            “Three hundred fifty po ang three hours.”

            “Ha?”  Napanganga si Julia.  Kahit pala sa pipitsuging motel na gaya nito ay ganoon kamahal ang singil.  “Eh kung overnight?”

            Gumamit muna ng calculator ang cashier bago sumagot.  “Seven Hundred pesos po hanggang six ng umaga.”

            “Hay naku!”  Halos padabog siyang dumukot ng isang libo mula sa kanyang wallet.  Iyon na lamang ang natitira sa kanyang suweldo.  Naiinis siyang iniisip kung bakit kailangan niyang gastusan ang hindi man lang niya kakilalang tao.

            “Sa room seven po kayo ma’am.”

            “Ah, wala bang puwedeng tumulong sa aking ipasok yan?  Mabigat eh.”

            “Sandali lang po.”  Tumayo ang cashier at sumilip sa kalapit na pinto.  “Kuya Rollie, patulong naman.”

            Nakahinga ng maluwag si Julia ng lumabas ang isang matabang lalaki.  Siguradong kayang-kaya na nitong buhatin ang lasing mag-isa.  Mabuti naman dahil talagang pagod na siya.

            “Salamat po,” aniya kay Rollie matapos nitong ihiga ang lasing sa kama.  Tumango lamang ang mahiyaing room boy at lumabas na ng kuwarto.  Agad niyang ni-lock ang pinto at animo’y pinasukan ng demonyong hinarap ang nakatulog na lalaki sa kama.  Parang gusto niya itong pagsasakalin sa pahirap na dinulot nito sa kanya.  Hindi rin biro ang seven hundred pesos na ginastos niya at ang fifty pesos pang ibinigay niya sa binatilyo.

            Nangislap ang mga mata niya ng makaisip siya ng idea.  Nilapitan niya ang nahihimbing na lalaki at pinagkakapkap ang mga bulsa nito.  Wala siyang nahagilap ni anumang pera, o kahit sana cellphone.  Wala pala talagang pakinabang ito.

            Sa kawalan ng pag-asa’y pinanood na lamang niya ang lalaki habang nagpapahinga.  Napansin niya ang suot nitong jeans at belt.  Branded ang mga iyon, ngunit hindi iyon sapat upang isipin niyang mayaman ito.  Dahil ang isang mayaman ay hindi sumasakay sa MRT ng mag-isa at lasing.

            Gumalaw ang lalaki at bahagyang nabuksan ang ilang bahagi ng dibdib nito.  Napatitig si Julia.  Aba, macho pala!  Aniya sa sarili at pinagmasdan ang kaaya-ayang senaryo.  Mangingiti na sana siya, ngunit ng mapatingin siya sa mukha nito ay labis siyang napangiwi.  Muntik na niyang pagpantasiyahan ang isang halimaw.  Daig pa nito ang kalaban sa isang horror movie.  Kulot na nga ang buhok ay para pang hindi ito nagsuklay ng isang taon.  Kahit siguro kapre ay hindi aamining kalahi niya ito.

            May kung anong kumislap sa ilalim ng sleeve ng polo nito.  Umupo siya sa gilid ng kama at itinaas ang sleeve.  Isang golden bracelet ang lumitaw.  Itinaas din niya ang isa pang sleeve.  Laking gulat niya sa nakita.  Ang relong ito ay kagaya ng suot-suot ng boyfriend ni Claire na si Benedict, at sigurado siyang mga mayayaman lamang ang nakakabili ng ganoong klaseng relo.

            Natukso siya.  Ito marahil ang kabayaran sa pagmamagandang loob niyang tulungan ito, ngunit sa isang iglap ay ginapi siyang muli ng kanyang konsensya.  Ang bracelet na lamang ang kanyang kinuha.

            Naglabas siya ng isang maliit na papel.  Sinulat niya doon ang kinuha niyang bracelet maging ang kanyang contact number.  Nagbigay din siya ng ultimatum na pagkalipas ng tatlong araw at di pa siya nito tinatawagan ay ibebenta na niya ang alahas.

            Iniwan niya ang papel sa ibabaw ng mesa at dahan-dahang lumabas.  Para siyang nabunutan ng tinik sa kaginahawaang naramdaman habang pababa siya ng hagdanan pabalik sa counter.

            “Miss, kung di pa siya gising ng six sipain niyo na lang siya palabas,” bilin niya sa cashier.

            Natawa ang babae.  “Ano pong sasabihin ko sa kanya ma’am?”

            “Sabihin mo ampangit niya.”

            Hindi na niya pinansin ang tumatawang cashier at lumabas na ng motel.  Tiningnan niya ang kanyang relo.  Mag-aalas nuwebe na pala.
 
 
 
Cover Page     Chapter 1     Chapter 2     Chapter 3     Chapter 4     Chapter 5     Chapter 6     Chapter 7     Chapter 8     Chapter 9     Chapter 10     Epilogue 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
VISITORS ONLINE 
 
YSH SHOUTBOX

 
 
In Cooperation with:
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
  
    
  
 
AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
LOVE MATCH AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
 
**Contact us if you want your link included here
 
 
 
spam blocker
 
All contents of this site are copyrighted by Your Story Haven Team.  Publication for any commercial purposes, whether whole or partial, is prohibited and punishable by law.  Please contact editor@yourstoryhaven.com for any inquiries.