Ang Kasoy o balubad ay hugis batingaw o kampana – madilaw at matamis kapag ito ay hinog. Di tulad ng ibang prutas, ang buto ng kasoy ay nasa labas nito.
Ang buto ng kasoy ay masarap at masustansya – bagaman ayon sa ibang paniniwala ng tao, ang inihaw na buto ng kasoy ay mapanganib sa manok.
Narito ang alamat ng kasoy. Ito ay naglalaman kung bakit nasa labas ang buto ng kasoy.
Noong unang panahon ay may naganap na kasiyahan 0 salo-salo sa gubat, lahat ng mga hayop ay nagpunta sa gubat, kasama ang mga ibon at insekto, lahat sila ay masaya, maliit man o malaki ay kasama sa kasiyahan.
Malapit sa kasiyahan ang puno ng kasoy. “Ano kaya ang sanhi ng lahat ng ingay sa labas?” tanong ng buto sa loob ng kasoy. “Hay, kung kaya ko lang ilabas ang sarili ko sa madilim na lugar na ito.”
Nagpatuloy ang ingay. Ang kasiyahan ay nagpatuloy din. At nagpatuloy din ang pananalangin ng buto na makalabas.
Noong oras na iyon, isang diwata ang papaunta sa gubat . Narinig niya ang ingay at nakisali siya sa kasiyahan. Napahinto siya ng marinig niya ang tila nagmamakaawang boses.
“Sino kaya ang nilalang na iyon?” naisip ng diwata.
“makapangyarihang diwata, ilabas mo ako! PakiusaP!” pakiusap ng buto sa loob ng kasoy.
Narinig ng diwata ang nagmamakaawang boses ng buto. Naawa siya sa buto. Sa pamamagitan ng malalambot na kamay ay marahang hinipo ng diwata ang kasoy. Sa isang saglit, lumabas ang buto.
“Hay, ang mundo pala ay napaganda!” sigaw ng buto. “Magandang diwata, gusto kong manirahan dito sa labas. Huwag mo na akong ibalik sa dilim sa kinasanayan ko. Nagsusumamo ako.”
“Ang kahilingan mo ay matutupad” pangako ng diwata.
Masayang masayang pinagmasdan ng buto ang kapaligiran. Makalipas lamang ang ilang sandali ay tumigil na ang kasiyahan, at nangibabaw ang katahimikan.
Nag-uwian na ang mga hayop. Ang mga ibon at insekto’y namahinga na rin. Maya- maya lamang, ang maliwanag na kalangitan ay unti-unting nagdilim.. malakas ang ihip ng hangin. Bumuhos ang napakalakas na ulan. Ang nakakabinging kulog ay may kasamang matatalim na kidlat.
Ang buto ay natakot sa nakita at narinig. Nangangatal siya sa lamig at basang-basa sa ulan. Tinawag niya ang diwata.
“Mahabaging diwata!” pakiusap ng buto. “Dinggin mo ako! Ibalik mo ako sa aking pinaggalingan. Ayoko nang manatili pa dito sa labas magpakailanman. Nakakasindak dito sa labas,” iyak nito.
Ang kaawa awa niyang tinig ay hindi dininig ng diwata. Ang diwata ay nawala na.
At nang tumila na ang bagyo, nagpakitang muli ang diwata at nakita ang kaawa-awang buto, namamaluktot at ‘di na magawang makapagsalita.
“Hindi na kita ibabalik sa iyong pinanggalingan,” sabi ng diwata. “Gusto kong turuan ka ng leksyon. Matuto kang makuntento kung ano man ang ibinigay sa iyo ng Diyos.”
Pagkatapos sabihin ito, umalis na ang diwata. Mula noon ang buto ay nanatili na sa labas ng kasoy.