Your Story Haven
Share your stories online
Home      legend/carabao
Print this pageAdd to Favorite






 
 
 
 
 


 
Alamat ng Kalabaw
 
 
 

Noong unang panahon, sa nayon ng Tikin may isang masipag na magsasaka na ang pangalan ay Labao.  Bukod sa masipag ay matulungin din si Labao.  Maamo ang mga mata niya at laging may ngiti ang kanyang mga labi.

          Maaga kung gumising si Labao.  Madalas ay matagal na siyang gising bago tumilaok ang mga manok.  Marami na rin siyang nagagawa bago mag-umaga.  Napakagandang tignan ang kanyang bakuran.  Napapaligiran kasi iyon ng napakaraming mga tanim at iba’t ibang punong namumunga.  Kasabihan sa kanilang pook na kung may hahanapin kang mga klase ng halaman, prutas o gulay man ay kay Labao magtanong.  Kaligayahan na ng binata na makapagsilbi sa mga kababayan sa pamamagitan ng kanyang mga tanim.

          Ang sabi ng mga matatanda ay malamig ang mga kamay ni Labao sa lupa.  Lahat kasi ng itanim niya ay nagiging malusog at maraming bunga.

          “Maganda na naman ang magiging ani mo,” ang wika ni apao Bangod kay Labao.  “Hitik sa bunga ang iyong mga pananim.”

          “Natutuwa nga po ako, Apo,” wika ni Labao. “Marami na naman akong matutulungan. Marami ang makikinabang sa pinaghirapan ko.”

          Totoo ang sinabi ni Labao. Hindi lamang ang mga nasa ibayong bayan at kalapit-nayon ay pumupunta sa kanya para humingi ng kanyang ani, humingi rin sila ng punla at magpapaturo na rin ng tamang paraan sa pag-aalaga ng mga halaman.

          Dumaan ang panahon.  Matanda na si Labao ngunit ang biyayang hatid ng kanyang masisipag na mga kamay ay patuloy na pinakikinabangan ng marami.  Araw-araw ay makikita sa kanyang bakuran ang mga batang naglalaro sa ilalim ng malalabay na puno dili kaya ay  nangunguha ng mga prutas.  Bukambibig ng mga bata ang paborito nilang kanayon na kung tawagan Ka Labao.

          Hindi inaasahan ang pagdating ng salot sa Tikin.  Kasunod noon ang isang mahaba at mainit na tag-araw.  Naubos at namatay ang mga tanim.  Nagutom ang mga tao.  Halos araw-araw ay napapaiyak si Labao sa tindi ng awa sa mga kababayan.  Nahiling niya na kung mamatay siya ay gawin siyang daan upang makatulong sa mga mambubukid.

          “Ka Labo!  Ka Labao!” tawag ng mga bata sa matandang lalaki isang umaga.

          Subalit nagulat sila nang sa halip na ang tinatawag ang lumapit ay isang itim na hayop na may sungay at maamong mga mata ang nakita nila.

          Nagsisigaw ang mga bata.

          “Si Ka Labao!  Si Ka Labao!”

          Ipinagtaka ng mga tao ang biglang paglalaho ng matandang magsasaka.  Ang hayop namang lumitaw sa bakuran nito ay nakatulong nila sa bukid.  Tinawag nila itong Ka Labao bilang pag-alala kay Labao.  Sa pagdaan ng araw at pagkasalin-salin sa dila, ang Ka Labao ay naging Kalabaw.

 

 
 
 
 
VISITORS ONLINE 
 
YSH SHOUTBOX

 
 
In Cooperation with:
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
  
    
  
 
AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
LOVE MATCH AUTHORS' LINKS
 
 
 
 
 
 
 
 
**Contact us if you want your link included here
 
 
 
spam blocker
 
All contents of this site are copyrighted by the owners or Your Story Haven Team.  Publication for any commercial purposes, whether whole or partial, is prohibited and punishable by law.  Please contact editor@yourstoryhaven.com for any inquiries. 2008 - 2010