Live and Let Die
by Kite Iris
Excerpt...
Handa na ang agahan pagkagising ni Lucrecia kinaumagahan.
“Magandang umaga, Lieutenant.”
Napalingon siya sa bumati at si Vahn nga ito. Iba na ang suot nitong dress shirt ngunit kulay puti pa rin na may disenyong mga pahabang linya.
“Anong ginagawa mo dito?”
“Dinala mo ako dito,” nakangiting tugon nito. Hinatak nito ang isang silya at siya ay inalok na umupo.
Tumalima siya at sinuri ang nalutong pagkain. Iba iyon sa kadalasan. “Ikaw ba ang nagluto?”
Ngumiti ito at tumango. “Sana’y magustuhan mo.”
“Upo ka na rin at sabayan mo na ako.”
Umupo ito sa tapat niya at hinintay siyang sumubo. Nailang siya ng kaunti ngunit ipinagwalang-bahala na lang niya.
“Paano ka pala nakapagbihis ng damit?”
“Ah. Tinawagan ko ang aking kalihim at nagpasuyo ako ng damit dito.
Sana hindi mo mamasamain na nagpapunta ako dito ng ibang tao na walang pahintulot.”
Tumangu-tango siya at kumutsara ng pagkain. “Okay lang ‘yon.”
“Ayos lang ba ang lasa?” tanong nito matapos ang kanyang unang subo.
“Medyo naiibahan ako pero pwede pa rin namang kainin,” walang kalinawang tugon niya.
Hindi man kasing-sarap ng luto ni Sarah pero para sa kanya ay mahusay na itong magluto, mas mahusay pa kumpara sa kanya. Muli tuloy siyang nasurpresa sa karagdagang kakayahan nito na hindi tipikal sa isang mayamang tao lalo na at ito ay isang lalaki.
Napatawa lang si Vahn sa kanyang sagot at sinimulan na ring kumain.
“Pinag-aralan mo rin ba ang pagluluto?”
“Hindi naman. Nagpaturo lang ako sa mga madre sa bahay-ampunan noong bagong tatag pa lang.”
“Saan pala ‘yang orphanage?”
“Sa
Mindanao.”
Humingi ito ng kapatawaran sa nangyari kagabi. Agad niya itong pinatawad, ipinagluto pa nga siya nito at hinintay na gumising para lang magpaumanhin. Patas na rin sa ganoong paraan.
“Sumali ka pala sa CAT Organization ng paaralan niyo no’ng nasa sekundarya ka,” pag-iiba nito ng
usapan.
“Paano mo nalaman?”
“Sa larawang nakadikit sa pader,” sabay turo sa kiroroonan ng nabanggit.
Napangisi siya sa pagkaalala kung bakit siya sumali sa organisasyon. “Sumali lang ako sa Bravo Team para lang maranasan ko ang rifle na ginamit ng mga nag-training,” pagbabahagi niya.
“
Para lang sa rifle?”
Tumango siya at maya-maya ay napailing. Nagkukulang ng miyembro ang Cadet Army Training Organization ng kanilang paaralan
noon kaya niyaya siyang sumali ng kaklase. Hindi
sana siya nagkainteres kung hindi lang nabanggit nito na kasama sa pagsasanay ang pagpapaputok ng isang kilalang rifle na madalas mapanood sa mga pelikula at siya ring hawak ng mga nagpapatrolyang mga pulis.
Bumilib ang lahat sa ipinakita niyang kakayahan sa pag-asinta. Siya rin mismo ay namangha sa sarili dahil sa anim na bala sa sampung nakalaan sa bawat isa ay napuntirya niya ang tatlong lata na may distansiyag dalawampu, dalawampu’t-lima at tatlumpung metro. Ang natirang apat na bala ay ginamit niya upang tamaan ang ika-apat na lata na inilagay ng pulis na proctor nila sa layong
limampung metro.
“Nagawa mo ‘yon noong nasa sekundarya ka pa lang?” namamanghang pangungumpirma nito sa ikinuwento niya.
Tumango siya. “Hindi ba kapani-paniwala?”
“Kaya ka rin ba sumanib sa kapulisan dahil sa kakayahan mo?”
“Siguro...”
Naalala niya si Virgil na
noon pa lamang ay pinangarap ng maging isang pulis. Noong nakita ng proctor nila ang kakayahan niya sa paggamit ng baril ay inirekumenda nito sa kanya ang isang shooting club na malapit sa
kanilang bahay. Ang nagmamay-ari doon ay ang pamilya ni Virgil.
Doon sila unang beses na nagkita at hindi nagtagal ay naging magkasintahan. Naging libre ang paggamit niya ng mga aparato kaya mabilis siyang naging bihasa sa paggamit ng iba’t-ibang
baril.
Sa edad na labing walo ay sumunod siya sa yapak ni Virgil at pumasok na rin sa
Police
Academy. Iyon lang ang nakita niyang paraan upang patuloy siyang makagamit ng rifle at makakatulong rin siya sa taumbayan bilang pulis gamit ang kanyang kakayahan.
“Yaman rin lang nagpunta ka sa bar kagabi, wala kang pagkakaabalahan ngayon hindi ba?”
Natigil siya sa pag-aalala sa nakaraan. Tumango siya bilang tugon. Inimbita siya nito na lumabas bilang kabayaran sa nakakahiyang nagawa. Nagpumilit ito kahit sinabi niyang walang anuman para sa kanya ang lahat.
Walang kahirap-hirap na natamaan niya ang mga target gamit ang isang handgun. Puro sa ulo at sa dibdib ang nabutasan.
Sila ay nasa isang bagong tatag na shooting club. May ilan ring nakasibilyang pulis ang madalas magsanay roon. Kilala ang shooting club na kinaroroonan nila at marami ring magagaling na miyembrong sibilyan at ilang artista ng bansa.
Tinanggal niya ang headset sa kanyang ulo at nilingon si Vahn. Inalis niya rin ang lalagyan ng bala sa baril at pinalitan ng kargado.
“Ikaw naman.” Iniabot niya ang baril at headset.
Tila nagdadalawang-isip ito kung kukunin ang mga iyon sa kanya. Kinuha niya ang kamay nito at ipinahawak ang baril. Iniayos na rin niya ang headset sa ulo nito.
“
Para hindi ka mabingi,” paliwanag niya.
Tila ayaw nito na iputok ang baril. Salitan nitong tinititigan ang target at ang hawak na baril. Mukhang napakalalim ng iniisip.
“First time mo bang makahawak ng baril?”
“O—oo.”
Itinuro niya ang wastong paggamit. Mula paghawak, pag-asinta at pagkalabit. May iba’t-iba ring antas ng kahirapan ang mga target kaya pinili niya ang pinakamadali para sa isang baguhan
gaya ni Vahn.
Huminga ito ng malalim at itinutok ang baril sa target. Saglit pa itong pumikit na animo’y nagdasal at biglang napakatalim ng mga mata pagkadilat. Inubos nito ang lamang bala ng handgun. Inilapit nila ang target at binilang kung ilan ang tumama sa larawan ng anino ng tao. Walang nagmintis kaso puro sa gilid ng braso at balikat ang nabutasan.
“Hindi na masama para sa isang beginner,” ebalwasyon niya. “Kung mapapadalas ka dito, baka magiging isa kang sharpshooter.”
“Gano’n ba? Pero sa totoo lang, ayaw ko ang mga baril. Para sa akin ay kagamitan ang mga ito para kumitil ng buhay.”
Seryoso ito at halatang hindi man lang natuwa sa pagpuri niya. Sadya sigurong malambot ang puso nito.
“May isang taong nakapagsabi na hindi baril ang kumikitil ng buhay kundi mga tao rin. Ang baril ay kagamitan lang, Vahn.” Iyon ang kanyang natutunan sa akademiya. Bilang pulis ay ganoon dapat ang kanilang pag-iisip.
“Tatandaan ko ang sinabi mong ‘yan, Lieutenant.” Muli silang nagkangitihan at iniabot nito ang baril pabalik sa kanya.
“Sana’y sinabi mo ‘to sa akin kanina para hindi na kita niyaya dito.”
“A—ayos lang sa akin ang lugar na ‘to. Ang mahalaga ay maengganyo ka.”
Napakaganda yatang pakinggan niyon. Kaya nitong isakripisyo ang sariling kaluguran para lang sa kanya. Nahahalina tuloy siya.
“Walang-kaso sa akin na manatili pa tayo dito, Lieutenant. Panonoorin na lang kita.”
Natuwa siya rito at nginitian. Ibinaba niya ang baril sa lagayan. Kumapit siya sa braso nito at iginiya ito palabas ng shooting club. “Nauuhaw ako,” aniya.
Nagtungo sila sa isang de-kaledad na meryendahan.
“Ganito ka ba sa lahat ng mga magagandang babae?” usisa ni Lucrecia. Isinali na rin niya ang sarili bilang maganda sa sariling tanong.
Ngumiti ito. “Maniwala ka man o hindi, ikaw pa lang ang pinakisamahan ko ng ganito.”
Negosyanteng hindi palikero, mahirap paniwalaan. Magaling ang lalaking ito, mahirap basahin ang pinag-iisip. Baka naman nagsasabi ito ng totoo?
“May naging kasintahan ka na ba, Vahn?”
“W—wala pa. Abala ako sa pagpapayaman.”
Ibang klase. Nagtaka siya at hindi napigilang alamin kung bakit.
“Dahil natanto ko na kailangan mo ng pera upang makatulong sa kapwa. Kung mas marami kang pera mas marami kang matutulungan at maitutulong.”
Nabigla uli siya sa paniniwala nito. May katwiran si Vahn, marami talagang magagawa ang pera. Parang baril din, kung gagamitin sa tamang paraan ay makapagliligtas ng buhay ng iba, ganoon din ang pera. Napakabuti talaga nitong tao. Taos-puso itong tumutulong at isang katibayan doon ang pagpapatayo nito ng bahay-ampunan. Isang kahanga-hangang lalaki, iilan ang ganito sa buong mundo.
Lucrecia, ‘wag kang magpapadala. Alam mo kung ano ka at ang dapat mong gawin.
“Pwede ba kitang makasama sa hapunan mamaya?” pang-iimbita nito.
“Bakit hindi?”
Unang beses ni Lucrecia sa pinuntahan nilang restaurant ng isang kilalang hotel sa bansa. Kaaya-aya ang kumbinasyon ng kulay sa loob at iilan lang silang kumakain.
“Bakit?” tanong niya kay Vahn dahil kanina pa ito nakatitig habang siya ay kumakain.
“Wala lang. Natutuwa lang ako at nagkita uli tayo.”
Nginitihan niya ito at umiling-iling. Tadhana kaya na tayo’y nagkitang muli?
May halong kalungkutan ang mga titig nito sa kanya. “Akala ko ba masaya ka at nakita mo ako uli? Bakit mukhang malungkot ka yata?”
“Luluwas ako sa susunod na linggo. Isang buwan siguro akong mawawala.”
Natahimik siya. “Para sa negosyo ba?”
Tumango ito. “Siguradong sasabikin ako sa muli nating pagkikita habang naroroon ako.”
Mas sumidhi ang kanyang pagkahalina. Hinihimok talaga siya nito. Ano ba ‘to? Ilang beses niyang sinabi sa sarili na hindi siya magpapadala ngunit lahat ng mga panata niya ay tila napakabilis na nababasag.
Wala siyang nakitang maipipintas dito. Mula noong nagsalubong at nagkakilanlan sila ay puro positibong mga bagay ang naipakita nito sa kanya. Malayong nagsisinungaling lang ito sa mga sinasabi
gaya ng pagpapatayo ng bahay-ampunan. Kilala niya ang kanyang sarili, hindi siya madaling malinlang lalo na ng mga kalalakihan.
Hanggang dito na lang dapat ‘to.
Gagamitin niya ang isang buwan na pagiging malayo nito upang tuluyang wakasan ang nagsisimulang atraksiyon sa pagitan nila. Isang panibagong panata sa sarili ngunit nagtaka siya kung bakit biglang bumigat ang pakiramdam niya at nanakit rin ang kanyang dibdib.
Inihatid siya ni Vahn pauwi. Malakas ang memorya nito at nagawa nitong matunton ang kanyang bahay na walang direksyon mula sa kanya. Ito uli ang nagbukas ng pinto ng kotse at sabay silang bumaba.
“Salamat sa isang masayang araw, Vahn.”
“Ako dapat ang nagsasabi niyan.” Lumapit ito at wala man lang iniwang puwang sa pagitan nila. Muli siyang naalarma. “Hindi ako lasing ngayon, Lieutenant.”
Napakaseryoso ng mga titig nito, lumalagablab. Alam niya ang hinahangad nito. Itutulak
sana niya ito nang siya ay hawakan sa balikat ngunit bigla na lang pumasok sa isipan niya ang mga huling salita ni Major Almirano.
Magpatuloy kang mabuhay, Lucy. Huwag mong isara ang puso mo sa mundo. Sana ay makahanap ka ng magpapasaya sa ‘yo.
Laking pagtataka niya kung bakit bigla niyang naalala ang mga salitang iyon. Dahil ba kay Vahn?
Bumigay siya at nagpadala kay Vahn. Hinagkan siya nito sa labi. May kahabaan ang halik na iyon at parang sasabog ang kanyang dibdib. Niyakap siya nito at hindi rin niya napigilan ang sarili na yakapin ito pabalik.
|