December 24, 2008. Ikalawang beses
sana ma makikipasko si
Leon kina Jean. Ngunit iniwan niya ang bahay ng kaibigan at nagmadaling umuwi. Tumawag ng ikalawang beses si Reina at sinabing naroon na ito sa bahay nila. Inakala niyang nagbibiro ito noong unang beses na tumawag bago mag-ikawalo ng gabi at sinabing dadalawin siya.
Ipinarada niya ang motorsiklo at hinanap si Reina ngunit walang sumasagot. Nagalit pa nga ito kanina dahil walang tao pagkarating ng bahay nila. Sinubukan niyang tawagan ang cellphone nito ngunit wala ring sumasagot.
“Nagbibiro lang ba siya? Magaling, nautakan mo ako ngayon.”
Sinusihan niya ang siradura at pumasok. Pagkasindi ng ilaw sa kusina ay agad niyang napansin ang isang regalo sa gitna ng hapag. Nilapitan niya iyon at may nakapaibabaw na Christmas Card. Nakasulat doon ang Merry Christmas at sa tabi niyon ay ang kanyang pangalan.
“Search for me inside your house. I will give you a very good present. You have until midnight.” Iyon ang nakasaad sa card at ang nakalagay na pinagmulan ay Santa Clause.
Meron ding alarm clock sa tabi ng regalo. Apat na minuto na lang bago maghatinggabi. Sinimulan niyang maghanap, sa banyo, sa sala at kung saan maaring kasya ang five feet eight inches na babae.
Nagtungo siya sa sariling silid at pagkapasok ay napansing nakasara ang closet. Hindi niya iyon isinara kanina para mahanginan kaya siguradong naroon si Reina. Pero habang papalapit ay may pumasok na mahalagang detalye sa kanyang isipan.
“Paanong nakapasok si Reina?” Wala itong susi ng gate o pinto. Hindi rin umuwi ang kanyang mga magulang. Isa lang ang may hawak na duplicate ng mga susi. Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. “Ang kahilingan ko ngayong pasko…” sigaw niya para marinig siya ng nasa kabila ng closet.
“Kyla!” sabay hatak niya sa pinto niyon.
Isang popper ang pumutok mula sa kanyang likuran at kumalat ang iba’t-ibang kulay ng mga laso sa silid. Nagulat siya at agad lumingon. Isang babaeng version ng Santa Clause ang kanyang nakita. Bagay na bagay nito ang pulang santa hat, suit, miniskirt at boots. Kasabay niyon ay narinig niya ang tunog ng alarm clock mula sa kusina.
“Merry Christmas!” Boses iyon ng isang babae. Isang tinig na hindi niya makakalimutan. Ang kanyang pinakahihintay—si Kyla.
“Kyla,” aniya na medyo naluluha pero nakangiti.
“Merry Christmas, Leon. Tama ba ang kahilingan mo?”
Agad niyang napansin ang kuwintas na suot nito. Buong puso na iyon. May kapares iyong kaparehong-kapareho ng ibinigay niya.
“Kinumpleto ko na para sa ‘yo. Ibinigay ni Tita sa akin ang kalahati noong nasa restaurant tayo bago siya umalis patungong New York.”
“Kyla…”
“Pangalan ko lang ba ang sasabihin mo buong gabi?”
Hinatak niya ito at niyakap ng mahigpit saka agad na siniil ng halik sa labi.
“Wait, Leon. Hindi mo ako nahanap dahil inakala mong nasa closet ako kaya wala ka dapat reward.”
“Kasalanan mo dahil nagpakita ka bago mag-alarm. Kaya nahanap pa rin kita.”
Nagkatitigan sila at matatamis na ngitian ang sumunod bago nauwi sa maraming paghahalikan.
“I’m home, Leon Arcanghel.”
“Welcome home, Kyla Na... Kyla Arcanghel.”
Napatawa ito sa binanggit niyang apelyido nito. Binuhat niya ito at inihiga sa kama saka pumaibabaw at muling hinalikan ng may kahabaan.
“Thank you for coming home. I love you, Kyla!”
“I love you too, Leon!”
W A K A S