Your Story Haven
A Romance Writer
Garnet Heart Page      theotherside11
Print this pageAdd to Favorite
The Other Side of You
by Garnet Heart
 
 
 
 
 
 

Epilogue

 

 

 

            Nangiti si Alicia na tiningala ang gusali ng kompanyang dati niyang pinapasukan.  Mula nang mag-resign siya ay unang beses uli niya iyong nasilayan.  Hindi niya napigilan ang pagbabalik ng maraming mga alaala ng lugar na iyon sa kanyang buhay.  Naroon ang mga intriga, mga taong naging kaibigan at naging kaaway niya, at ang una nilang pagtatagpo ni Darian.

            “Good afternoon, ma’am!” masiglang bati ng guwardya na hanggang tenga ang ngisi.  Nginitian din niya ito at pumanhik ng building.

            Dati ay hindi siya pinapansin ng guwardya na iyon, subalit dahil kilala na siya bilang Misis Conrado ay mukhang irerespeto na siya ng lahat ng mga makakasalubong niya.

            Nung araw na natagpuan siya ni Darian ay inaya siya nitong bumalik sa syudad kasama ang mga bata.  Doon sila sa bahay nito tumira at hindi na siya nito pinayagang maghanap ng mapapasukan hangga’t hindi raw siya nanganganak.  Kumuha pa ito ng yaya ng mga bata para raw hindi siya mahirapan sa pagbubuntis.

            Halos isang buwan nitong inasikaso ang mga kinakailangan nilang papeles para sila maikasal, hanggang sa mga preparasyon sa simbahan at reception.  Sa isang hotel sila nagdiwang, at imbitado halos lahat ng mga dati niyang ka-trabaho.  Dumalo rin ang ama at mga kapatid ni Darian na galing pa ng States.  Nahiya pa siyang humarap sa mga ito, subalit nang magka-usap-usap sila ay napagtanto niyang mababait pala ang pamilya ni Darian.  Naliligalig pa nga ang ama nito sa napipintong paglabas ng apo.

            Dalawang buwan na ang nakakaraan mula nung napakasayang araw na iyon.  Mula noon ay nagbago ng husto ang kanyang buhay.  Bakas sa kanyang mga mata ang walang hanggang kaligayahan kaya’t hindi niya kailanman pagsisisihan ang pagpapakasal kay Darian.  Kung sa pagiging asawa ay napakabuti nito.  Sa kabila ng marami nitong gawain sa opisina ay nagagampanan pa rin nito ang obligasyon.  Ipinaghahanda pa siya nito ng almusal at maagang umuuwi ng gabi para sabay-sabay silang maghapunan.  Kapag weekends ay sama-sama silang namamasyal.  Turing nito sa mga bata ay sarili na nitong mga anak kaya’t para ba silang isang buong pamilya kung pagmasdan.

            “Alicia!!!”

            Napalingon siya sa humiyaw na babae sa kanyang kanan.  Nang makilala niya si Elvira ay halos magtatalon siya sa tuwang nilapitan ito at niyakap.  “Oy, kumusta ka na!  Balita ko nag-apply ka raw for promotion?”

            Natawa si Elvira.  “Sana nga suwertehin eh.  Baka puwede mo akong isipsip kay Sir, okay lang.”

            “Oo naman!”  Natawa siya.  “Basta’t ninang ka nito ah,” aniya na hinahaplos ang tiyan.

            “Aay!” napatili si Elvira.  “Sinabi mo ‘yan ha?”

            “Siyempre na—”  Napahinto siya’t napalingon sila sa mga taong naghagikgikang dumaan.  Napansin niyang panay ang sulyap ng mga ito sa kanya.  Salubong ang mga kilay niyang tumingin kay Elvira.  “Ano’ng bago?”

            “Ay naku!  As usual ikaw pa rin ang topic.”

            “Ganun?”  Hindi siya makapaniwala.  Habang nag-uusap sila’y ipinagpatuloy nila ang paglalakad sa corridor papunta sa opisina ni Darian.  “Hanggang ngayon pala ako pa rin ang superstar dito.”

            “Hindi lang superstar, hall of fame na.”

            Natawa siyang bubuksan na sana ang pinto ng opisina nang may tumawag sa kanyang pangalan.  Paglingon niya’y nakilala niya si Gladys na nagpakulay ulit ng buhok.  Kung dati ay red, blonde naman na ang bago.

            “Oy, new hairdo.”

            Iwinagayway pa ni Gladys ang buhok bago nagsalita.  “Siyempre, naghahanap din ako ng manager na gaya ng nadekwat mo.”

            May biglang humiyaw sa isang tabi.  May mga grupo pala ng mga kababaihan na nakikinig sa kanila.  “Itanong mo na lang kay Alicia kung ano ang pinang-gayuma niya,” biro ng isa.

            Napamulagat siya’t namula ang mukha.  Ang mga hinayupak at ganun pa rin pala ang tsismis ng mga ito.  Kahit asawa na siya ng manager ay hindi pa rin siya magawang irespeto ng mga ito.

            “Magtigil nga kayo!” sabad ni Elvira na nakapamaywang.  “Gayuma kayo dyan.  Baka kayo ang nanggagayuma kay Sir.”

            Tinapik niya ito sa balikat para kumalma.  “Hay naku!  Inggit lang ang mga ‘yan at mas may power ang gayuma ko.  Itapon niyo na kasi yang mga gayuma niyong mga wa-epek.”

            Natigilan ang lahat nang biglang bumukas ang pinto sa tapat nila at dumungaw doon si Darian.  Mabilis na nag-alisan ang mga ususero, at sila na lamang ni Elvira ang naiwan doon.

            “Ano bang gulo ‘yan?” tanong ni Darian.  “Anong gayuma?”

            “Hindi mo alam ang gayuma?” sagot niya.  “Pinainom ko ‘yun sa’yo para magustuhan mo ako.”

            Tumaas ang isa nitong kilay.  “Gayuma?  Binawi mo nga ‘yung kape na binigay mo noon, paano mo naman…”

            Calling the attention of Miss Elvira Soriano.  Please proceed to the conference room now.”

            “Ay!”  Napahawak si Elvira sa pisngi.  “Tignan mo nga, nakalimutan ko tuloy yung meeting namin.  Sige, mamaya na tayo mag-usap.  Sige po, Sir.”

            Tumango siya sa kaibigan at pinanood itong nagmamadaling umalis.

            “Dito ka nga sa loob,” ani Darian nang wala na si Elvira.

            Pumasok siya at isinara nito ang pinto.  Iniwan niya ang kanyang bag sa sofa at umupo.  Nakasimangot siyang iniisip ang mga pinagtsitsismis ng mga empleyado doon.

            “Sinong magaling na nagkakalat na ginayuma raw kita?” tanong niya sa asawa.

            Napangisi si Darian na umupo sa tabi niya.  “Kailan ka pa naapektuhan ng mga tsismis?”

            “Eh antagal nang tsismis ‘yan hanggang ngayon ayaw pa rin nila akong tigilan.  Wala na nga ako dito.  Paano kapag naniwala ka?  Baka isipin mo ginayuma nga kita.”

            Huminga ito ng malalim at hinawakan ang dalawa niyang kamay.  “Honey, ilang beses ko naman nang sinabi sa’yo, di ba?  Na unang beses pa lang kitang nakita, nagustuhan na kita.  I know exactly the reasons why I fell in love with you, at walang kinalaman ang gayuma doon… okay?”

            Natunaw ang damdamin niya sa sinabi nito.  Pakiramdam niya’y maluluha siya sa tuwa.  “Talaga?  Hindi ka nagpapaapekto sa tsismis nila?”

            Ngumiti itong yumapos sa kanya.  “Ang alam ko lang, mahal na mahal kita… hmm?”

            Naluha siyang kumapit sa mga balikat nito.  “Same here!”

            Hinalikan nito ang kanyang buhok, at saka ito bahagyang lumayo para makita ang kanyang mukha.  Natawa itong pinagmamasdan siya.  “Funny.  Kanina nakita lang kitang nakikipag-away, ngayon umiiyak ka na.  But that scene a while ago reminds me of the first time I met you.

            “Nagbabago na nga kasi ako eh, ibinabalik ako sa dati ng mga bruhang mga ‘yan.”

            Lalo itong natawa.  “I don’t mind.  I actually find you so amusing that way.”

            Tinapik niya ito sa braso.  “Tapos ka na ba?  Baka masarhan tayo ng clinic.”

            Nilingon ni Darian ang wall clock.  “Ala-una pa naman ah.”

            “Eh baka ma-traffic uli tayo.  Nakakahiya kay doc.  Lagi na lang natin siyang pinag-oovertime.”

            Ngumiti si Darian at hinaplos ang anim na buwan niyang tiyan.  “Honestly, I cannot wait to be a father.”

            Hinaplos niya ang pisngi nito.  “Tatlong buwan na lang.”

            “Will it be a boy or girl?”

            “Malalaman natin mamaya.”

            Hinawakan nito ang kanyang kamay at pinisil iyon.  “If it’s a girl, I want her to be as beautiful as you.”

            Sasagot na sana siya subalit napansin niya ang papalapit nitong mga labi.  Pumikit siya at sinalubong ang halik nito.

            Makaraan ang ilang sandali ay iniligpit nito ang mga gamit at lumabas na sila ng opisina.  Habang naglalakad sila palabas ng gusali ay marami silang mga nakasalubong na mga tao – ang ilan ay nagbubulungan, ang ilan naman ay bumabati at ngumingiti.  Magkakaiba man ang reaksyon, hindi inalis ni Darian ang kamay nitong nakapalibot sa kanyang balikat at buong pagmamalaki nitong ipinakita sa lahat na siya ang asawa nito.  Kailanman ay hindi na niya ito pagdududahan.  Naniniwala na siya, na sa kabila ng kanyang pagkatao, ay tunay ang pagmamahal nito sa kanya.

 

 

 
 
  
 
 
 
 
Cover Page     Chapter 1     Chapter 2     Chapter 3     Chapter 4     Chapter 5     Chapter 6     Chapter 7     Chapter 8     Chapter 9     Chapter 10     Epilogue